578 RESIDENTE NG P’QUE NAGPAREHISTRO SA 4Ps

UMABOT sa 578 residente ng Parañaque ang nagparehistro sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Barangay Sto. Niño Gym, Parañaque City.

Ayon kay Parañaque City Mayor Eric Olivarez, sa kabuuang 578 residente ng lungsod ay 176 na magiging benepisyaryo ay nanggaling sa Barangay Sto. Niño, 70 mula sa Tambo, apat mula sa Don Galo, 10 na galing sa La Huerta, 20 mula sa Baclaran, 9 sa Vitales, 152 mula sa Moonwalk, at 137 naman na nanggaling sa Barangay San Isidro.

Ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng P500 buwanang ayuda bilang education assistance sa mga pamilyang may mga nag-aaral na anak kung saan ang nabanggit na halaga ay idedeposito sa mga ATM cards ng bawat benepisyaryo.

Si Olivarez ay isa sa mga proponent ng programang 4Ps noong siya ay naging kongresista sa Unang Distrito ng lungsod.

Anang alkalde, ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagbibigay ng serbisyo sa kanyang mga konstituwente na napapabilang sa sector ng mga mahihirap sa pamamagitan ng pagbibigay ng buwanang allowance sa mga mag-aaral sa lahat ng pampublikong eskwelahan mula kindergarten hanggang senior high school.

Idinagdag pa nito, ang mga estudyante sa kolehiyo ay makatatanggap din ng kanilang allowance mula sa programang college education financial assistance ng lungsod. MARIVIC FERNANDEZ