APEKTADO ang 59 opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa ipatutupad na top to bottom na balasahan ng ahensiyang ito upang maiangat ang kanilang serbisyo sa mga parating at paalis na mga pasahero sa bansa.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, isinusulong ang naturang reshuffle bilang pagsunod sa kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra na naglalayong ipatupad ito sa lalong madaling panahon.
Sa 59 BI airport officials, 49 dito ay nakatalaga sa tatlong terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang iba ay sa Clark at Davao airports.
Kasabay na ipinag-utos ni Guevarra ang reshuffle sa Alien Control Officers (ACOs) sa mahigit na 40 ng BI offices sa buong bansa.
Nagpalabas na rin si Morente ng direktiba laban sa mga apektadong opisyal na mag-report agad sa kani-kanilang mga place of assignment upang hindi maapektuhan ang kanilang serbisyo.
Ayon kay BI OIC Deputy Commissioner Marc Red Marinas, ang ipinatutupad na revamp sa ACOs ay long overdue na dahil karamihan sa mga ito ay mahigit na sa limang taon naninilbihan sa nasabing tanggapan sa iba’t ibang port of entry.
Layunin din ng BI na maiwasan ang fraternization na nagiging dahilan ng korupsiyon at sumisira ng moral ng bawat empleyado na gumagawa ng ilegal. FROI MORALLOS
Comments are closed.