59-DAY SUSPENSION SA “NINJA COP” BINAWI NG PNP

Archie Gamboa

CAMP CRAME – HINDI na ipatutupad ng PNP-Internal Affairs Service ang ipinataw na 59 days suspension kay Police Lt. Joven De Guzman, isa sa mga pulis na nasangkot sa evidence planting.

Ito ang kinumpirma ni PNP officer in charge Lt. Gen. Archie Gamboa matapos na makipagpulong kay PNP IAS Ins­pector-General Alfegar Triambulo noong Linggo.

Si De Guzman ang team leader ng pitong pulis na umano’y sangkot sa maanomalyang drug operation noong Mayo 2019 sa Antipolo City kung saan nagtanim umano sila ng ebidensiya sa mga biktima

Kasama rin si De Guzman sa maano­malyang 2013 Pampanga drug operation na iniuugnay sa nagbitiw na si PNP Chief Oscar Albayalde.

Una nang napatawan ng dismissal from service ang anim na kasama nito habang si De Guzman ay 59 days suspension lamang na ipinagtataka ni Gamboa.

Pahayag ni Gamboa, binibigyan nila ng isang linggo si De Guzman para magpaliwanag sa kinasasangkutan nitong anomalya.

Pagkatapos nito ay saka muling maglalabas ng desisyon ang PNP-IAS sa kaso ni De Guzman. REA SARMIENTO