59 PINOY SA LEBANON HUMILING NG REPATRIATION

MAY kabuuang 59 Pinoy sa Lebanon ang humiling na ng repatriation makaraang isailalim ang naturang bansa sa Alert Level 3, na nangangahulugan ng voluntary repatriation.

Sa gitna ito ng umiigting na tensiyon sa pagitan ng Israel at Hezbollah militants.

Ayon kay Philippine Ambassador to Lebanon Raymond Balatbat, tinanggap nila ang 59 applications para sa repatriation noong Linggo, at inaasahang madaragdagan pa ito sa mga darating na araw.

Araw ng Sabado nang itaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Alert Level 3 sa Lebanon.

“It’s quite normal for the Filipinos, especially the long-serving Filipinos here, they’re quite immune to this crisis.

They’ve been through a lot of crises, especially those who’ve been here for 20, 30, 40 years. Actually it’s the newcomers who are really a bit very worried about the situation,” pahayag ni Balatbat sa CNN Philippines.

Sa 59 Pinoy na nagpahayag ng intensiyon na umuwi sa Pilipinas, sinabi ng ambassador na tatlo lamang ang naka-base sa southern Lebanon kung saan sumisiklab ang panibagong tensiyon.

Karamihan, aniya, sa mga aplikante ay nagmula sa capital, Beirut at Mount Lebanon area.

Sa tala ng DFA, nasa 17,500 Pilipino ang naninirahan sa Lebanon.