593 HEALTH WORKERS KUMASA VS CORONAVIRUS

Maria Rosario Vergeire

MAYNILA – MAY 593 health workers na ang nagboluntaryo upang tumulong sa pagsugpo ng pamahalaan sa corona-virus disease 2019 (COVID-19).

`Labis naman ang pasasalamat ng Department of Health (DOH) sa mga naturang health workers dahil sa ginawa nilang pagtugon sa panawagan ng DOH.

Nabatid na noong Marso 27 ay nag-anunsiyo ang DOH na nangangailangan sila ng mga medical frontliner na may kakaahan at gustong tumulong sa paglaban sa virus.

Ang mga naturang health worker ay itatalaga sa mga itinakdang referral centers para sa COVID-19, kabilang ang Lung Center of the Philippines, Philippine General Hospital, at Dr. Jose N. Rodriguez Hospital.

Sila ay bibigyan ng akomodasyon, pagkain at P500 na allowance kada araw na mas mababa pa sa minimum wage.

Una nang binatikos sa social media ang DOH dahil sa pag-exploit sa mga health worker at ito umano ay isang pang-iinsulto sa kanila.

Humingi naman na si Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire ng paumanhin hinggil dito.

Aniya, “Humihingi rin po kami ng tawad kung ang impresyon na naibigay ng P500 daily allowance ay ganito lamang ang halaga na ibinibigay namin sa ating health care workers.”

Aniya, ang halaga ay base sa ibinibigay nila sa volunteers sa mga nakalipas na outbreak.

“Hindi po ito mas lalayo pa sa katotohanan. ‘Yung P500 po ‘yan na inilagay natin sa ating protocol, allowance po ‘yan na inilagay namin para mayroon po pang-araw araw ang ating mga health care workers,” paliwanag pa niya. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.