5K FREE FACE SHIELD IBIBIGAY SA COMMUTERS

FACE SHIELD

MAGPAPAMAHAGI ng limang libong lib­reng face shields ang Laywers for Commuters Safety and Protection (LCSP) para sa mga commuter o pasahero bukas ng umaga (Martes).

Ito ang pahayag ni Atty. Ariel Inton founder ng LCSP sa interview ng Pilipino MIRROR bilang  tulong sa mga ordinaryong pasahero na humihingi ng libreng face shield sa pagbabalik biyahe ng mga public utility vehicle tulad ng jeepney, UV express, van at iba pang PUV.

Ayon kay Inton, ito rin ang sagot ng LCSP sa mga mapagsamantalang mga negosyante na nagho- hoard at nagtaas ng presyo ng face shields.

Kasunod nito, nagpasalamat naman si Inton sa Department of Health at Department of Trade and Industry sa mabilis na paglalabas ng Suggested Retail Price (SRP) ng  face shield bilang protection ng mga mamimili.

Dapat na P25 hanggang P50 lamang kada piraso ang presyo ng face shield ayon na rin sa inilabas na SRP ng DTI.

Sinabi ni Inton na personal na ipamimigay ng LCSP sa pangu­nguna nya ang mga face shield sa mga ordinary commuters lalo na ‘yung mga kapos talaga at walang pambili ng face shield.

Ang mga ipamimigay na libreng face shield ng (LCSP) ay sariling gawa dito sa bansa sa tulong ng mga miyembro ng LCSP at mga suppor­ter ng commuter group.

Nauna rito ay iniutos ng Department of Transporation (DoTR) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbabalik ng biyahe ng mga PUV na mahigpit na ipatutupad ang no face mask, no face shield no ride sa mga individual na gustong sumakay ng mga PUV.

Nabatid na malaki ang maitutulong ng pagsusuot ng face mask, face shield upang labanan ang pagkalat ng deadly virus COVID-19, ayon sa mga awtoridad. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.