5K KATAO INILIKAS DAHIL SA BAGYONG BETTY

NORTHERN LUZON- HUMIGIT- kumulang sa 5,000 katao ang inilikas sa ligtas na lugar kahapon bago pa makalapit sa Northern Luzon ang Bagyong Betty.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction Management Council ( NDRRMC) spokesperson Assistant Secretary Raffy Alejandro, kahapon ng umaga mayroon nang isinagawang preemptive evacuation sa 3 regions na umabot sa 4,831 individual.

Ito ay kasunod din ng babala ng PAGASA na posibleng lumikha ng mga pagbaha at landslide ang magaganap na pananalasa ni Betty na magpapalakas pa sa mga pag- ulan sanhi ng Habagat.

Nabatid na nagsagawa ng evacuations sa Western Visayas, Central Luzon, at Mimaropa na tinamaan ng mga pag-ulan dala ng habagat na pinalakas ng Bagyong Betty.

Inaasahang lolobo pa ang nasabing bilang sa oras na idagdag sa official figure ang mga inilikas mula sa mga lalawigan ng Cagayan at Batanes.

“Ang talagang binabantayan natin, itong eastern seaboard ng Cagayan. Kasama na d’yan iyong Sta. Ana hanggang Batanes kasi ito talaga, iyong entry point ng bagyo ay d’yan po. Iyong gale warning nakataas… matataas ang alon d’yan sa coastal communities nila, ayon pa sa NDRRMC.

Inaasahang hahagupitin ng bagyo ang area ng Batanes, Babuyan Islands, hilagang bahagi ng mainland Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra, at Benguet hanggang kinabukasan araw ng Miyerkules.

Dahil naman sa pinalakas na Habagat ay makararanas din umano ng mga pag ulan sa Silangang bahagi ng Central Luzon, Silangan at katimugang bahagi ng Southern Luzon, at Visayas, ayon pa sa PAGASA forecaster. VERLIN RUIZ