5K METRO POLICE HANDA SA BALIK-ESKUWELA NGAYON

PNP

TAGUIG CITY – ALL-set na ang PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa pagbabalik eskuwela ng mahigit 27  milyong mag-aaral ngayong Lunes bilang panimula ng pasukan ng school year 2018-2019.

Ayon kay PNP-NCRPO Chief Supt. Guillermo Eleazar na mahigit 5,000 pulis ang ipakakalat niya sa kalakhang Maynila para matiyak ang ligtas na pagsisimula ng pasukan ngayong taon.

Bukod sa nasabing bilang ng mga pulis na ikakalat sa Kalakhang Maynila ay magiging katuwang din ng PNP ang may 4,000 barangay tanod at mga pribadong security guard na magsisilbing mga force multiplier ng mga pulis.

Target nito na mapatibay ang seguridad sa paligid ng mga paaralan at maiwasang mabiktima ng mga kriminal ang mga estudyante ngayong pasukan.

Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga estudyante na huwag magdala ng mga mamahaling gadgets sa paaralan na takaw-mata sa mga magnanakaw.

Dagdag pa ni Eleazar, nagsagawa na rin ng pagbisita sa mga barangay, pamamahagi ng flyers para bigyang-babala ang publiko laban sa krimen.

Pagtiyak nito sa publiko na kanilang mararamdaman at makikita ang presensiya ng mga pulis sa mga vicinity ng mga eskuwelahan lalo na sa mga university belts.

Aniya, hindi nila bibigyan ng pagkakataon ang mga kriminal na makapambiktima ng mga estudyante.   VERLIN RUIZ

Comments are closed.