MAYNILA – MULING magkakaroon ng bagong oportunidad sa trabaho para sa mga Filipinong manggagawa sa southern central Europe, base sa ulat ng Department of Labor and Employment.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nais ng bansang Slovenia na humingi ng pahintulot sa Filipinas kaugnay sa pagpapadala ng nasa 2,000 hanggang 5,000 skilled at semi-skilled na manggagawa upang mapalakas ang kanilang workforce. Kahalintulad din ito sa mga oportunidad na ibinibigay ng Russia at Canada sa mga Filipinong manggagawa.
Pahayag ni Bello na ang kahilingan ay ginawa ng mga opisyal mula sa Slovenia. “Sinabi ko na kailangan muna nating pumirma ng isang bilateral agreement,” wika ni Bello.
Kabilang sa mga trabahong bubuksan sa mga Filipino ay mga health care worker, nurse, engineer, truck driver, heavy machine at equipment operator, at iba pa, at mga household service worker.
Maganda rin ayon sa kalihim ang suweldo sa Slovenia na mas mataas kumpara sa Middle East kung saan ang mga kuwalipikadong manggagawa ay maaaring makatanggap ng minimum wage na $1,000.
“Ang suweldo ay tiyak na mas mataas kumpara sa Middle East. Sa Saudi Arabi aabot lamang ng $400. Sa Slovenia, maaari itong umabot ng nasa P50,000 hanggang P75,000 o mga $1,000 sa oras na magkaroon na tayo ng bilateral agreement at mapagkasunduan ang mga probisyon at template contract,” dagdag pa ni Bello.
Bubuo na rin ng technical working group na siyang makikipag-usap ukol sa mga probisyon ng kasunduan at upang matiyak ang proteksiyon at kaligtasan ng mga OFW. Tinatayang aabot ng hanggang tatlong buwan ang paggawa ng nasabing bilateral agreement.
Pahayag pa ni Bello na ang mga klase ng trabaho at requirement ay isasapinal sa oras na matapos ang bilateral agreement. Isa naman ang English language proficiency sa mga magiging kuwalipikasyon para sa mga nais mag-aplay.
Gayunman, nagpaalala ang kalihim na hindi pa nagsisimula ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa Slovenia.
“Sa ngayon, wala pa tayong mga job order para sa Slovenia dahil dadaan pa ito sa proseso. Inaabisuhan namin ang publiko na hintayin ang pormal na anunsiyo na magsisimula na ang pagtanggap ng aplikasyon. Mag-ingat at magtungo muna sa DOLE o sa POEA upang matiyak ang pagiging lehitimo ng inyong mga recruitment agency at job order na kanilang inaalok. Ang ibang mga ahensya ay patuloy pa rin sa kanilang operasyon kahit pa sila ay suspendido,” dagdag pa ng kalihim. PAUL ROLDAN