5K PASYENTE GUMALING SA COVID-19

patient

HALOS  5,000 nang pasyente ng coronavirus disease 2019 (CO­VID-19) ang gumaling na mula sa naturang karamdaman.

Batay sa Department of Health (DOH), hanggang alas-4:00 ng hapon  ng Hunyo 9 ay nakapagtala pa sila ng 99 pang pasyente na gumaling sa sakit, sanhi upang umabot na sa 4,736 ang kabuuang recoveries sa bansa.

Samantala, umakyat na rin sa 22,992 ang kabuuang bilang ng mga dinapuan ng sakit, matapos na makapagtala  ang DOH ng karagdagang 518 pang kaso.

Sa naturang 518, ay nasa 280 ang fresh cases o mga test results na nai-release sa mga pasyente sa nakalipas na tatlong araw.

Kabilang dito ang 61 mula sa National Capital Region (NCR); 82 mula sa Region 7; 115 mula sa iba pang rehiyon at 22 na repatriates.

Nasa 238 naman ang late cases o test results na ini-release sa mga pasyente, mahigit apat na araw na ang nakararaan.

Sa naturang bilang, nasa 89 ang mula sa NCR; apat mula sa Region 7; 142 mula sa iba pang rehiyon at tatlo ang repatriates.

Maging ang bilang naman ng mga namatay dahil sa sakit ay nadagdagan ng anim kaya ang  COVID death toll sa bansa ay umabot na sa kabuuang 1,701.

Nauna rito, nilinaw ni Health Secretary Francisco Duque III na ang mga napapaulat na bilang ng “fresh” cases ng COVID-19 sa bansa, ay walang  kinalaman sa pagpapaluwag ng quarantine protocols.

“You cannot make that correlation [between the number of fresh COVID-19 cases to the easing of health restrictions],” ayon kay Duque sa isang press briefing. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.