5K PGH EMPLOYEES TARGET MABAKUNAHAN SA LOOB LANG NG ISANG LINGGO

TARGET ng pamunuan ng Philippine General Hospital (PGH) na mabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang may 5,000 empleyado nila sa loob lamang ng isang linggo.

Bahagi ito ng inihandang COVID-19 vaccination plan ng PGH na ipatutupad sa sandaling dumating na ang mga bakuna sa bansa.

Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, prayoridad nilang maturukan ng bakuna ang mga frontliner, na direktang nag-aalaga ng COVID-19 patients, kabilang na ang mga doktor at nurse.

Sunod na tuturukan ng bakuna ang mga frontliner na hindi sangkot sa COVID-19 operations at nakatalaga upang magbantay sa mga non-COVID-19 patients, kasunod ang mga administrative staff, kabilang na ang mga personnel at mga sekretarya.

“Kung lahat po ng empleyado, kasama na po doktor hanggang down the line sa rank and file, mga secretary na nasa PGH, almost 5,000 po. So we are targeting na within one week ay matapos. Meron na ring schedule,” ani Del Rosario, sa panayam sa radyo.

Plano rin nilang ilaan ang unang dalawang araw ng vaccination drive sa mga nurse at mga doktor, at ikokonsidera naman ang work schedules ng iba pang staff.

Nilinaw rnaman ni del Rosario na ang vaccination program ay iniaalok sa lahat, ngunit maaari aniyang tumanggi ang mga empleyado dahil kinakailangan ng pagbabakuna ng ‘informed consent.’

Iniulat naman ni del Rosario na batay sa isinagawang survey ng PGH sa kanilang mga empleyado, lumilitaw na nasa 72% ang handang magpabakuna, 25% ang sumagot ng ‘not in the meantime’ at 2% ang ayaw magpabakuna.

“But we don’t know kung ano talaga ‘yung actual [numbers] kasi survey lang naman. Baka kung nandiyan na ‘yung bakuna at alam na nila kung ano rin ‘yung bakuna, baka po madagdagan or mabawasan ‘yung mga magpapabakuna,” aniya pa.

Paglilinaw naman ni del Rosario, hindi kasama sa gagawing pagbabakuna ng PGH ang pamilya at mga kaanak ng kanilang mga empleyado. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.