5M NEAR-POOR PINOYS, NAKINABANG SA AKAP NG DSWD NOONG 2024

Halos limang milyong near-poor Filipinos ang nakinabang mula sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa unang taon ng implementasyon nito, mula Enero hanggang Disyembre 2024.

“The AKAP program has demonstrated strong impact with Php26.157 billion in funds, or 99.31 percent utilization rate, from the total Php26.7 billion budget allocation for 2024,” ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao kahapon.

Ang naturang programa, na nagsasa-prayoridad ng transparency at accountability, ay pinuri rin bilang isang epektibong pamamaraan upang labanan ang lumalaking hamon nang hindi makontrol na implasyon sa buong mundo.

Samantala, binigyang-diin naman ni House Committee on Appropriations Chairperson Zaldy Co ang tagumpay at integridad ng programa.

“AKAP is a shining example of how government funds should be used—efficiently and without corruption. Do we want confidential funds riddled with 100% corruption or programs like AKAP with zero corruption? The loudest critics are often those who do nothing to help the people. AKAP directly addresses inflation and uplifts the lives of our countrymen, especially the near-poor,” ani Cong. Co.

Hinamon rin nito ang mga kritiko na pagnilayan ang mga nakalipas na kabiguan at binigyang-diin ang pangangailangan ng hustisya para sa mga naapektuhan ng mga naging lapses ng dating pamahalaan.

“If we can achieve this now, why wasn’t it done before? Where did the money go? Was it funneled into confidential funds or the 27,000 extrajudicial killings? The Filipino people deserve justice for those who were wronged. Let’s not shift the conversation. We must hold accountable those responsible for the misuse of public funds and the loss of innocent lives,” aniya pa.

Nabatid na ang AKAP funds ay inilaan sa buong bansa, kung saan halos lahat ng rehiyon ay nagkamit ng mahigit 99% ng fund obligations habang ang Cagayan Valley (Region 2), Davao Region (Region 11), at Caraga (Region 13) ay nakapagpaskil ng 100 percent utilization.

Sa ilalim ng programa, pinagkakalooban ng cash assistance na P5,000 ang mga eligible beneficiaries, partikular ang mga pamilya, na ang sahod ay mas mababa sa poverty threshold.

Sinasaklaw ng suporta ang mga pangangailangang medikal, libing, pagkain, at tulong sa pera sa pamamagitan ng Crisis Intervention Units at Satellite Offices ng DSWD sa buong bansa.

Tiniyak naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa publiko na protektado ang AKAP mula sa pulitika at binalewala ang mga pahayag na ang P26 bilyong budget para rito ay gagamitin sa pamimili ng boto para sa 2025 midterm elections. Aniya, “The DSWD will not be used for political gains—not next year, not ever. Our licensed social workers ensure stringent verification and validation of beneficiaries to avoid any overlap or misuse of funds.”

Sinabi pa ng kalihim na ang koordinasyon sa LGUs ay limitado sa logistical support, na pagtiyak na ang AKAP ay nag-o-operate ng independiyente mula sa political influence. “The funding for AKAP comes solely from the General Appropriations Act, which has no provisions for congressional or LGU allocations. The program’s success is a testament to its fairness and transparency,” aniya.

Ang AKAP program, na isang collaborative effort sa pagitan ng DSWD, DOLE, at NEDA, ay inaasahang pakikinabangan ng panibagong limang milyong Pinoy ngayong 2025, base na rin sa General Appropriations Act na nilagdaan ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. noong Disyembre 30, 2024.