5M WORKERS NAKINABANG SA WAGE HIKE SA 14 REHIYON

HALOS limang milyong private sector workers na minimum wage earners ang direktang nakinabang sa wage increases na inaprubahan ng 14 Regional Tripartite Wage Productivity Boards (RTWPBs) noong 2024.

Sa datos mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 4,907,584 minimum wage earners sa pribadong sektor ang nabigyan ng daily wage increases.

Ang dagdag-sahod ay naglalaro sa P21 hanggang P75.

Ang RTWPBs ay nag-isyu ng wage orders sa National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), at Regions 1 (Ilocos), 2 (Cagayan Valley), 3 (Central Luzon), 4-A (Calabarzon), at 4-B (Mimaropa).

Ang iba pang mga lugar na binigyan ng wage adjustments ay ang Regions 6 (Western Visayas), 7 (Central Visayas), 8 (Eastern Visayas), 9 (Zamboanga Peninsula), 10 (Northern Mindanao), 12 (Soccsksargen at 13 (Caraga).

Noong June 27, ang RTWPB-NCR ay nag-isyu ng Wage Order NCR-25, na nagkakaloob ng P35 umento sa may apat na milyong manggagawa.

Mula sa P610, ang minimum wage sa Metro Manila ay tumaas sa P645.

Samantala, ang Northern Mindanao ang pinakahuling rehiyon na pinagkalooban ng minimum wage hike.

Ang Wage Order No. RX-23 na inisyu ng RTWPB-10 para sa private sector workers ay nagkakaloob ng P23 dagdag sa sahod ng non-agriculture sector at P35 sa agriculture sector na ibibigay sa dalawang tranches.

Ang wage adjustment ay magtataas sa minimum wage rates sa rehiyon sa P461 mula P446 epektibo sa Jan. 12, 2025 habang ang second tranche ay magsisimula sa July 1, 2025.

Samantala, ang domestic workers o kasambahays sa siyam na rehiyon ay pinagkalooban ng umento na mula P500 hanggang P1,100.

May kabuuang 717,508 domestic workers sa Metro Manila, Cordillera, Regions 1, 2, Mimaropa, 6, 8, 10 at Caraga.

Kamakailan, ang Metro Manila wage board ay nag-isyu ng Wage Order No. NCR-DW-05 na nagkakaloob ng P500 monthly increase para sa mga kasambahay sa rehiyon.

Ang monthly minimum wage para sa mga kasambahay sa NCR ay P7,000 na ngayon mula sa dating P6,500.