(5th SONA mapayapa) RALIYISTA TUMUPAD SA USAPAN,  NCRPO NAGALAK

Rally

IKINAGALAK ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) sa pagtupad ng mga raliyista sa kanilang naging usapan para sa maayos na pagsasagawa ng programa sa loob ng University of the Philippines (UP).

Nabatid na sa nasabing usapan, hahayaan ang mga raliyista at hindi sila guguluhin ng awtoridad sa pagsasagawa ng programa basta hindi sila tutungo pa ng Commonwealth Ave­nue o lalapit sa Batasan Pambansa kung saan naroon si Pangulong Rodrigo Duterte na nag-deliver ng kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).

Sa press conference ni NCRPO Chief Police Major General Debold Sinas, kasama sina QCPD Director Brigadier Geneneral Ronnie Montejo, Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF) Director Police Maj. Gen. Amando Empiso at PNP Human Rights Affairs Office Chief Police Brigadier General Ildebrandi Usana, inasahan na nila ang kaayusan at kapayapaan hanggang sa matapos ang SONA.

Aniya, matapos ang programa ng mga raliyista sa loob ng UP, agad nagsi-alisan ang mga ito kung kaya’t inaasahan niya na wala ng magtutungo pa at magsasagawa ng anumang kilos-protesta sa kahabaan ng Commonwealth Ave­nue.

Babala naman ni Sinas sa ibang grupo, partikukar ang hindi nakasama sa UP na huwag na nilang ba­lakin pa na magsagawa ng pagkilos sa Commonwealth Avenue dahil siguradong aarestuhin sila ng awtoridad.

Base sa paunang datos ng QCPD, umaabot sa 1,817 ang kabuuang bilang ng mga raliyista na nagsagawa ng programa sa loob ng UP.

Samantala,  maitutu­ring na mapayapa pangkalahatan ang katatapos na SONA at walang naitalang untoward incident. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.