Mga laro bukas:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Terrafirma vs Magnolia
7:30 p.m. – NLEX vs Meralco
MAGAAN na dinispatsa ng Rain or Shine ang Blackwater, 122-106, upang hilahin ang kanilang winning streak sa lima sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Philsports Arena.
Hindi kinakitaan ng pangangalawang ang Elasto Painters mula sa three-week break kung saan naitala nila ang pinakamalaking kalamangan sa 39-16 sa first quarter tungo sa 5-1 kartada.
Naitala ni Deon Thompson ang 10 sa kanyang 25 points sa first quarter at nakakolekta ng 16 rebounds para sa Elasto Painters, na ang opening loss kontra Meralco noong naglaro sila na walang import ang nag-iisa nilang talo sa conference.
Nagbuhos si Adrian Nocum ng 22 points, habang nagdagdag si Santi Santillan ng 20 points para sa Elasto Painters, na ipinalasap sa Bossing ang ikatlong sunod na kabiguan.
Nahulog ang Blackwater, na naglaro na wala si rookie Sedrick Barefield, ay nahulog sa 1-6.
Masaya si Rain or Shine coach Yeng Guiao na matalas ang kanyang tropa sa simula pa lamang sa pangunguna ng starting five na kinabibilangan nina Anton Asistio, Caelan Tiongson, at Nick Demusis.
“My primary concern at the beginning was how sharp the guys going to be coming off almost a three-week break,” sabi ni Guiao. “This is our first game in the New Year. Medyo concerned ako kung paano nila lalaruin ‘yung first game namin. We’ve had good practices, but iba pa rin pag makita mo dun sa laro,” sabi ni Guiao.
Nalimitahan din ng Elasto Painters si Bossing import George King sa 35 points makaraang kumana ng 64 sa kanilang Governors’ Cup encounter kung saan natalo sila, 139-118, noong nakaraang September 23.
Nagdagdag si Asistio ng conference-high 18 points sa starting role, habang nag-ambag si Tiongson ng 11 bago nagtamo ng injury para sa Rain or Shine, na makakaharap ang Phoenix sa Sabado.
Umiskor si Myke Ayonayon ng 11 points, habang tumipa sina Justin Chua at Christian David ng tig-10 points para sa Bossing, na sisikaping putulin ang kanilang losing kontra Barangay Ginebra sa Linggo.
Iskor:
Rain or Shine (122) – Thompson 25, Nocum 22, Santillan 20, Asistio 18, Tiongson 11, Clarito 9, Demusis 8, Caracut 6, Datu 2, Ildefonso 1, Lemetti 0, Belga 0, Escandor 0, Norwood 0.
Blackwater (106) – King 35, Ayonayon 11, David 10, Chua 10, Escoto 9, Ponferada 6, Suerte 6, Kwekuteye 5, Jopia 5, Hill 4, Casio 3, Corteza 2, Guinto 0.
Quarters: 39-25; 56-47; 94-79; 122-106.