5TH WIN SINAKMAL NG LADY BULLDOGS

Standings W L
DLSU 5 0
NU 5 1
AdU 4 1
UST 5 2
FEU 3 4
UP 1 4
Ateneo 1 5
UE 0 7

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
9 a.m. – DLSU vs AdU (Men)
11 a.m. – DLSU vs AdU (Women)
3 p.m. – Ateneo vs UP (Women)
5 p.m. – Ateneo vs UP (Men)

NAGSAGAWA ang National University ng blocking clinic sa second set at nalusutan ang matikas na pakikihamok ng Far Eastern University, 25-21, 25-9, 25-18, upang kunin ang solo second sa UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Makaraang ilampaso sa second set, ang Lady Tamaraws ay lumaban nang husto sa third hanggang bumanat ang Lady Bulldogs ng late run sa likod nina reigning MVP Mhicaela Belen, Cess Robles at Alyssa Solomon upang makopo ang ika-5 panalo sa anim na laro.

“Kailangan lang namin maging consistent pa throughout the game kasi kung mao-observe natin, ang dami naming unforced errors so kailangan namin magbawas,” wika ni coach Karl Dimaculangan at nakapokus ngayon ang NU sa Season 85 Finals rematch sa La Salle sa Miyerkoles.

Nauna rito, nakabawi ang University of Santo Tomas mula sa opening set loss upang pataubin ang University of the East, 30-32, 25-18, 25-16, 25-14, at tapusin ang first round na may 5-2 record.

Nagtala ang Lady Bulldogs ng 11 blocks kung saan humataw ng tig-3 sina Solomon at Erin Pangilinan, at tig-2 sina Robles at Sheena Toring.

Nanguna si Belen para sa NU na may 16 points at 10 receptions, kumana si Solomon ng 14 points at 7 digs habang nagdagdag si Robles ng 12 points.

Handa na ngayon ang Lady Bulldogs na harapin ang Lady Spikers, na nanatiling perfect sa anim na laro. Bago sagupain ang NU, makakalaban ng La Salle ang Adamson ngayong alas-11 ng umaga kung saan aabangan si Dimaculangan at ang iba pa sa koponan.

“Nire-review namin sila kung paano maglaro. Mahalaga yung game din bukas (today). Doon namin makikita kung ano na ang magiging adjustments nila since first round pa lang naman. Magpe-prepare din kami ng mabuti,” sabi ni Dimaculangan.

Papasok ang FEU, pinangunahan ni Chenie Tagaod na may 6 kills, sa second round na may 3-4 record.

Pinangunahan nina Van Bangayan at KC Cepada, naglalaro laban sa kanilang high school mater sa unang pagkakataon, ang Lady Warriors sa panalo sa first set bago nanalasa sina Eya Laure at Regina Jurado sa sumunod na tatlo upang ibigay sa Tigresses ang ikatlong sunod na panalo.

Tumapos si Laure na may 18 points, kabilang ang 3 blocks, at 6 digs habang nag-ambag si Jurado ng 13 points para sa UST.

Kumubra si Cepada ng 12 points habang naipagpatuloy ni Bangayan ang kanyang solid play para sa UE na may 11 points, 11 digs at 13 receptions.