6.1 MAGNITUDE NA LINDOL SA LUZON

LINDOL

NIYANIG ng 6.1 magnitude na lindol ang Luzon kahapon kung saan ang epicenter nito ay sa Cas tillejos, Zambales.

Habang naramdaman ang pagyanig sa kalapit na mga lalawigan hanggang Metro Manila at ilang lalawigan sa Region 4.

Una nang tinaya ng Philippine Institute Volcanology and Seismology (PHIVOLCS)  na 5.7 magnitude lamang ang lakas ng pagyanig subalit ni-linaw ni DOST Usec. at Phivolcs Director Renato Solidum na itinaas nila ito sa 6.1 magnitude dahil sa sunod-sunod na impormasyon na kanilang natatanggap.

Naganap ang tectonic in origin na pagyanig ala-5:15 ng hapon kung saan naitala ang pagkabitak ng ilang tulay sa bahagi ng Pampanga habang ang mga lumang simbahan ay naapektuhan na rin.

Sa hiwalay na ulat ay sinabi ni US Geological Survey na umabot sa magnitude 6.4 ang pagyanig.

Sa inisyal na ulat ng ahensya, naramdaman ang lindol sa lakas na intensity 5 sa Malabon City at Quezon City.

Intensity 4 sa mga bayan ng Magalang, San Fernando at ilan pang bahagi ng Pampanga.

Sa Metro Manila ay may lakas na intensity 4 samantalang intensity 3 sa lalawigan ng Cavite.

Sinabi ni Solidum na kumukuha pa sila ng mga dagdag na detalye kaugnay sa naganap na pagyanig kasabay ang babala na posible pa ring makaramdam ng ilang aftershocks.

Samantala, maraming establisimyento ang nagpalabas ng mga tao  habang isang water tank sa Metro Manila ang lumigwak ang tubig.

May nasira rin sa Clark International Airport sa Pampanga. Samantala, as of 6:19 ng gabi, lima katao ang naitalang namatay–dalawa sa Lubao at tatlo sa Porac, Pampanga. PM Reportorial Team

Comments are closed.