CAGAYAN- LIMA katao kabilang ang magkapatid na dalagita ang sugatan makaraang mawasak ang kanilang bahay nang tumama ang 6.3 magnitude na lindol sa Dalupiri Island sa lalawigang ito, Martes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Carmela, 12-anyos, Cathy Dela cruz, 13-anyos na nadaganan ng kanilang dingding sa Barangay Centro 2.
Ayon sa Calayan Information Office, naisugod ang magkapatid sa Calayan Infirmity at ngayon ay nasa maayos nang kalagayan.
Bukod sa magkapatid, tatlong iba pa ang sugatan nang masira rin ang kanilang bahay dahil sa lindol.
Sa tala ng Philippine Institute Of Volcanology And Seismology, tumama ang lindol alas-7:03 ng gabi at natukoy ang epicenter nito sa layong 26 kilometro ng Dalupiri Island na sakop ng nasabing bayan.
Ang tectonic in origin na lindol ay may lalim na10 kilometro.
Naramdaman ang intensity 4 sa Aparri at Gonzaga sa Cagayan gayundin sa Laoag City sa Ilocos Norte at Sinait sa Ilocos Sur.
Intensity III sa Penablanca, Cagayan at Vigan City sa Ilocos Sur.
Intensity II sa Ilagan, Isabela at intensity I sa Casiguran, Aurora, Candon City, Narvacan at Tagudin sa Ilocos Sur. EUNICE CELARIO