6.7 KILO NG MARIJUANA NASAMSAM NG PNP, PDEA

NASA 6.7 na kilo ng pinatuyong dahon ng Marijuana ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Antipolo at Bulacan.

Sa ulat , isang drug suspek ang nahulihan ng 1.7 na kilo ng dried Marijuana leaves na nagkakahalaga ng P212,500 batay sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board (DDB) sa ikinasang buy-bust operations ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) sa Antipolo City.

Kinilala ni PDEG Director BGen. Randy Peralta ang naaresto na si Jheremy Manakil Javier alyas David na residente ng Brgy. Mambugan sa naturang lungsod.

Agad dinala sa PDEG Special Operations Unit 4A ang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002

Samantala, nasa 5 kilo ng tuyong dahon ng Marijuana ang nasabat sa Bulacan na nagkakahalaga ng P600,000.00 sa inilunsad na buy-bust operation ng mga ahente ng PDEA Bulacan Provincial Office.

Batay sa report ng PDEA Bulacan Provincial Officer kay Director General Wilkins Villanueva, naaaresto sa anti-narcotics operation ang isang John Gabriel Gayo Y Timbal, 27-anyos ng Block 60 Lot 24 Brgy Sto Niño 1, CSJDM Bulacan.

Nabatid na si Gayo ay pinaniniwalaang isa sa mga pangunahing namamahagi o suplayer ng marijuana sa San Jose Del Monte at mga kalapit na bayan ng Bulacan.

Nahaharap sa kasong paglabag sa section 5 (sale of dangerous drugs), Article II ng Republic Act 9165 si Gayo matapos na makuhanan ng anim na tubular dried marijuana leaves. VERLIN RUIZ