CAVITE – PITO katao kabilang ang may-ari ng tindahan na lumabag sa pinaiiral na liquor ban ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Rosario kamakalawa ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code Resolution No. 10461 ang mga suspek na sina Rosemarie Banaag y Ignacio, 39, may-ari ng tindahan; Elmer Besorio y Magpolong, 45; Rodel Alcance y Quejano, 26; Jericho Antipolo y Alvarez, 41; Rodnel Munda y Francia, 33, ng Brgy. Luzon 1; at si Raymundo Reyes y Soriano, 34, ng Brgy. Bag Bag 2 sa nabanggit na bayan.
Nakatakas naman at pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek na negosyangteng si Ruel Banaag ng Barangay Tejeros Convention sa nasabing bayan.
Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng pulisya kaugnay sa mga suspek na sina Elmer, Rodel, at Jerico na nag-iinuman ng alak sa tindahan ng mag-asawang Rosemarie at Ruel Banaag sa Barangay Tejeros Convention.
Dahil sa pinaiiral na liquor ban kaugnay sa May 13 national and local elections ay inaresto ang mga suspek na magkakasamang nag-iinuman ng alak sa harap ng tindahan ng mag-asawang Banaag.
Samantala, arestado rin ang mga suspek na sina Rodnel at Raymundo na magkasamang nag-iinuman ng alak sa bahagi ng Barangay Bag Bag 2 sa nabanggit na bayan. MHAR BASCO
Comments are closed.