6 ASPIRANTE BILANG BIR CHIEF LUMUTANG

Erick Balane Finance Insider

BAGAMA’T wala pang official announcement si presumptive President Ferdinand ‘Bongbong‘ Marcos, Jr. , anim na pangalan  ang lumutang na aspirante sa mababakanteng posisyon ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay.

Si Commissioner Dulay bago pa idaos ang May 9 elections ay naka-leave na dahil sa isang karamdaman at itinalaga nitong Officer-In-Charge si Deputy Commissioner Marisa Cabreros.

Wala pang announcement si BBM kung sino ang hihiranging secretary ng Department of Finance (DOF) kapalit ni Carlos ‘Sonny’ Dominguez III pero anim na pangalan ang umuugong sa posisyong iiwanan ni Commissioner Dulay at ang mga ito ay kinabibilangan nina Deputy Commissioner Arnel Guballa, former Large Taxpayers Service Assistant Commissioner Edwin Abella, retired Leyte BIR Regional Director Ace Martinez, Makati City BIR Regional Director Maridur Rosario, resigned East NCR BIR Regional Director Romulo Aguila, Jr. at resigned East NCR Regional Investigation Division Chief Romeo Lumagui, Jr.

Si Guballa na tubong-Bulacan ay kasalukuyang senior DepCom, habang si Abella ay isa sa mga sikat na abogado na kaanib ng isang kilalang law firm. Si Martinez naman ay isa sa mga abogado ni former First Lady Imelda Marcos sa mga kinakaharap nitong kaso sa korte. Sina Rosario at Aguila ay kabilang sa mga naging ‘top collection performers’ habang si Lumague ay manugang ni former Revenue Chief Sixto Esquivias at asawa ng anak nitong si Attorney Camille Lumague, isa sa mga abogado ni BBM.

Lahat ng nabanggit na aspirante ay pawang mga insider.

Ang dating classmate ni BBM na si Walter Wassmer, na nagretiro kamakailan sa BDO Ellite Savings Bank, at dating top post sa GE Money Bank, ang sinasabing isa sa  may pinakamalaking tsansa na pumalit kay Secretary Dominguez sa DOF. Ang isa pang contender ay si Jose Arnulfo Veloso, president-CEO ng Philippine National Bank (PNB).

vvv

Nakaiintriga naman ang naunsiyaming pagpapasara sa itinuturing na pinakamalaking establisimiyento na pag-aari ng kilalang business-tycoon na si Andrew Tan nang biglang bawiin ng BIR ang inisyu nitong ‘closure order’ laban sa kompanyang Megaworld dahil sa malaking pagkakautang sa buwis.

Ayon sa  unang BIR media advisory na naka-address sa mga news manager/station manager/editor at chief photograpers, inaanyayahan ang mga ito na dumalo sa isang media coverage matapos aprubahan ang issuance ng closure order na pirmado ni Makati City BIR Regional Director Eduardo Pagulayan, Jr. laban sa nasabing real estate company.

Si Director Pagulayan ay hanggang buwan na lamang ng Hulyo ng taong ito matapos magsumite ng resignation kay Commissioner Dulay. Nauna nang nagbitiw sa puwesto bilang chief ng LTS si Assistant Commissioner Manuel Mapoy sa hindi rin binanggit na dahilan.

Binawi ang ‘closure order’ matapos muling magpalabas ng 2nd media advisory si Director Pagulayan na nagsabing “the activity tomorrow (May 18, 2022) is being held in aveyance until further notice. The representatives from Megaworld Corporation manifested their full cooperation with all the requirements of the BIR.”

Kuwestiyonable at kontrobersiyal ang nabigong ‘shutdown’ ng Megaworld dahil sa dalawang katanungan: Ang tax case ay hawak umano ng Large Taxpayers Service at hindi ng Makati BIR na  nag-aatubili sa pagpapasara, at si DepCom Cabreros ang itinalagang OIC ni Dulay subalit  si DpeCom Guballa ang kasama sa operasyon na nakatakda sanang magpatupad sa ’closure order’.

Ang Megaworld ay isa sa pinakamalaking kompanya sa bansa na may kinalaman sa real estate kung saan ang malagong negosyo nito ay nagsimula noong 1989, ayon sa record sa Philippine Stock Exchange.

Ang portfolio ng real estate nito ay binubuo ng mga condominium apartment, subdivision lots, townhouses at pati na ang mga opisina at retail na mga gusali.

Ang Megaworld at mga kaakibat nitong kompanya ang nasa likod ng pagpapatayo ng humigit kumulang sa 725 residential structures, 72 office towers, 24 life-style mall at 12 hotel brand,

kabilang ang mga condotel, Rich Monte Hotel Group International Ltd., Eastwood Cyber One Corp., Suntrust Properties, Inc., Empire East Land Holdings, Inc., Global Estate Resorts, Inc. at Bonifacio West Development Corporation – kabilang ang subsidiary at kasosyo ng Megaworld.

Sa tagal ng pagpapasara ng BIR sa mga business establishment na lumalabag sa tax rules, ngayon lamang nangyari ang tila ‘atras-abante’ na tax drive ng BIR.

vvv

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag- email sa [email protected].