6 BANGKAY NARECOVER SA SUMABOG NA BANGKA

SAMAR- NASA anim na bangkay na ng mga hinihinalang miyembro ng communist New People’s Army ang natagpuan ng mga awtoridad matapos ang naganap na pagsabog ng isang bangkang de motor sa Catbalogan City sa lalawigang ito noong nakaraang Lunes.

Ayon kay 8th Infantry Division commander, Maj. Gen. Edgardo De Leon, pinuno rin ng Joint Task Force storm hindi pa nila tinitigil ang search and retrieval operations at aerial reconnaissance ng Philippine Army sa karagatan na sakop ng mga karatig bayan na sa lalawigan ng Samar kung saan naganap ang engkwentro bandang madaling araw.

Sa ika-apat na araw ng search and retrieval operations, apat na mga bangkay ang nakuha sa karagatang sakop ng mga bayan ng Tarangnan at Sto. Niño kabilang ang pugot na bangkay ng lalaki at putol na katawan ng isang babae.

Sinasabing tatlo sa mga bangkay ay lalaki, dalawa ang babae, habang hindi pa matukoy ang kasarian ng isa.

Bahagi ang retrieval operation ng isinasagawang imbestigasyon ng militar at pulis para matukoy kung kasama ng armadong grupo ang pinaghahanap ng batas na mag-asawa at high-ranking officials ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front na sina Benito Tiamzon at Wilma Austria Tiamzon.

Ayon kay 8th ID spokesperson, Capt. Ryan Layug, karamihan sa mga nakuhang bangkay ay putol na ang mga pang-itaas na bahagi ng katawan.

Pinaniniwalaang may kargang mga pampasabog ang mga rebelde nang makaengkwentro ng mga sundalo kaya bigla itong sumambulat dahilan para magkalasog lasog ang mga sakay ng sumabog na Bangka.

“Kapag nasa bangka po tayo, usually, ka-level ng pasahero ang pinapatungan ng mga gamit. Malaking posibilidad na nung mag-detonate yung explosive components na dala nung mga suspected NPA terrorist ay upperbody nila ang napuruhan dahil karaniwang pataas ang trajectory ng blast,” ani Layug. VERLIN RUIZ