NEGATIBO na ang coastal waters ng Zumarraga Island sa Samar sa nakalalasong red tide, subalit nananatili ang kondisyon sa anim na baybayin sa Eastern Visayas, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Makaraang magnegatibo sa red tide ang water samples ng ilang linggo, ang seawater ng Zumarraga Island ay inalis na kapwa sa local at national shellfish bulletins.
Gayunman, anim na iba pang baybayin ang nanatili sa listahan ng red tide-affected areas kung saan apat ang nakatala sa latest national shellfish bulletin, habang ang dalawa ay nasa ilalim ng local shellfish bulletin.
Ang isang lugar ay isinasama sa national shellfish bulletin kapag ang parehong shellfish at seawater samples ay nagpositibo sa toxic organism.
Ang apat sa anim na tinukoy na lugar ay ang Daram Island sa Samar; Irongirong Bay sa Catbalogan City sa Samar province; Matarinao Bay sa General MacArthur, Quinapondan, Hernani at Salcedo sa Eastern Samar; at Biliran Island sa Biliran province.
Ang seawater mula sa dalawang iba pang baybayin sa Samar — San Pedro Bay sa Basey at coastal waters ng Calbayog City — ay natuklasang nagtataglay ng Pyrodinium bahamense, isang dinoflagellate na nagpoprodyus ng red tide toxin.
“To safeguard human lives, we are issuing this warning as precautionary advice to the public to refrain from gathering, selling, and eating all types of shellfish and Acetes sp., locally known as alamang or hipon, from these bays,” sabi ng BFAR sa local shellfish bulletin nito.
Ligtas namang kainin ang isda, pusit, hipon, at alimango, basta sariwa at huhugasang mabuti at aalisin ang internal organs, tulad ng hasang at bituka bago lutuin.