6 BRGY SA PASAY IDINEKLARANG ‘DRUG-FREE’

ANIM na barangay ang idineklara ng lokal na pamahalaan ng Pasay bilang drug-free barangay sa lungsod.

Ang deklarasyon ng pagiging drug-free ng anim na barangay ay inihayag sa isinagawang flag-raising ceremony sa Pasay City Hall grounds nitong Marso 7.

Pinagkalooban ng pamahalaang lungsod ng certificate ang anim na barangay na kinabibilangan ng mga Barangay 33, 88, 96, 112, 115 at 163 matapos maideklarang drug-free ang kanilang mga barangay dahil sa pinaigting na pakikipaglaban sa ilegal na droga sa kanilang komunidad nitong nakaraang Disyembre.

Bukod sa pagtutok sa pagpapababa ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay aktibo rin ang lokal na pamahalaan sa pagsugpo ng ilegal na droga sa lungsod.

Layon nito na mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa Lungsod sa lahat ng uri ng krimen at kriminalidad lalo na ang paglipana ng ilegal na droga na kinakailangang tututukan at bigyan ng pansin.

Katuwang ng lokal na pamahalaan ang Pasay City Anti-Drug Abuse Council (CADAC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Philippine National Police (PNP) sa tuloy-tuloy na pagmomonitor ng mga barangay sa lungsod upang masigurong maayos na naisasakatuparan ang pakikipaglaban sa ilegal na droga. MARIVIC FERNANDEZ