6 BRGYs SA MAYNILA 4 ARAW NA LOCKDOWN

PINA-LOCKDOWN ni Manila Mayor Isko sa loob ng apat na araw ang anim na barangay sa lungsod matapos na makapagtala ng pagdami ng mga naitatalang kaso ng CO­VID-19.

Sa Executive Order No. 07 na nilagdaan ni Moreno nitong Lunes, nabatid na kabilang sa mga barangay na isasailalim sa lockdown ay ang Barangay 185, 374, 521, 625, 675, at 837.

Magsisimula ang lockdown sa mga naturang barangay ganap na 12:01 ng madaling araw bukas, Marso 17, Miyerkoles at magtatagal hanggang 11:59 ng gabi ng Sabado, Marso 20.

Nabatid na unang inirekomenda ng Manila Health Department (MHD) na maideklara ang mga natu­rang barangay bilang ‘critical zones’ kung saan oobserbahan ang enhanced community quarantine (ECQ) guidelines sa panahon ng lockdown.

Nag-ugat ang rekomendasyon matapos na makapagtala ang MHD ng pagdami ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa mga naturang barangay.

Batay sa datos ng MHD, lumilitaw na ang Barangay 185 ay mayroong 11 active cases habang ang Barangays 374, 628, at 847 ay may tig-10 aktibong kaso naman.

Samantala, ang Barangay 521 ay mayroong 12 active cases at ang Barangay 675 ay nakapagtala ng 22 aktibong kaso.

Ayon kay Moreno, ang mga residente ng mga naturang barangay ay pinagbabawalang lumabas ng kani-kanilang mga tahanan upang makaiwas na dapuan ng sakit sa buong panahon ng lockdown.

Exempted sa kautusan ng alkalde ang health workers, military personnel, service workers (pharmacies, drug stores, at funeral homes), utility workers (energy, cable, internet, telecommunication companies, water, sanitation, at critical transport facilities kabilang ang port operation), essential workers (goods delivery, food delivery, banking at money services), barangay officials (Chairpersons, Barangay Secretary, Barangay Treasurers, Kagawads, at Executive Officers), at media practitioners na accredited ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ng Inter-Agency Task Force (IATF).

“Station Commanders of Police Stations covering the said barangays are hereby directed to employ and deploy officers and personnel in strategic locations and areas necessary for the effective implementation of the ECQ,” nakasaad pa sa executive order. VERLIN RUIZ

One thought on “6 BRGYs SA MAYNILA 4 ARAW NA LOCKDOWN”

Comments are closed.