6 CHINESE NA KUMIDNAP SA 3 BEBOT KALABOSO

Kidnap

CAVITE – ANIM na Chinese ang inaresto ng awtoridad sa Bacoor City dahil sa umano’y pagdukot sa dalawang babaeng Chinese at isang Vietnamese na hinihina­lang ginahasa pa ng grupo.
Nagsagawa ng ope­ration ang mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group nang magsumbong sa kanila ang mga nobyo ng mga biktima na umano’y dinukot ng mga suspek noong Miyerkoles at Huwebes.
Sinasabing kinuha ng mga suspek ang isang babaeng Tsino at isang Vietnamese habang pa­labas ng isang restaurant sa Pasay City habang ang isa pang Chinese naman ay tinangay mula sa casino.
Ayon kay Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) acting chief Lt. Col. Villaflor Bannawagan, ipinatutubos ng mga suspek sa kani-kanilang mga nobyo sa malaking halaga ang mga biktima kapalit ng kalayaan ng mga ito.
Nabatid na napilitang magsumbong ang mga boyfriend ng mga biktima sa awtoridad na mabigong mabawi ang mga biktima kahit na nagbayad na sila ng ransom.
Agad namang natunton ang pinagtataguan ng mga suspek kaya na-rescue ang mga dinukot na babae.
“They raped me, they kidnapped me,” ayon sa Vietnamese nang isalang ito sa debriefing ng awtoridad.
“We came here for tour. We don’t know them, they don’t know us. They kidnapped us, they want money. If we don’t give money, they torture me,” ayon naman sa isang Chinese.
“Sabi ng mga biktima, pinapalo, may pinakitang stainless bar and parang cutter sa kanila na kapag daw re-rape-in sila, tinutukan sila no’n. And may pasa pa sila sa mga masese­lang bahagi,” ani Police Lt. Col. Joel Saliba, public information officer ng PNP-AKG.
Kasalukuyang inilagay muna sa kustodiya ng PNP-AKG ang mga suspek, na ayaw magbigay ng pahayag at hindi umano makausap dahil hindi nagsasalita ng Ingles.
Inaalam pa kung miyembro ng sindikato ang mga Chinese at kung ano ang motibo sa krimen. VERLIN RUIZ