PINAGHAHANAP na ng mga operatiba ng pulisya ang apat sa anim na naka-close contact ng pasahero na nagpositibo sa “new variant” mula sa United Arab Emirate (UAE) na sinasabing nagbigay ng iba’t ibang address sa lalawigan ng Cavite.
Base sa memorandum order mula sa regional director, PRO CALABARZON na may petsang Enero 16, 2021 na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, Cavite sa ilalim ng pamunuan ni provincial police director Col. Marlon R. Santos kung saan pinapa-update ang contact tracing kaugnay sa COVID-19 new variant na pasahero.
Mahigpit na inatasan ang lahat ng hepe ng pulisya na masusing isailalim sa pagmomonitor laban sa dalawang identified na sinasabing naka-close contact ng pasaherong positibo sa COVID-19 new variant.
Sinasabing nananatili sa quarantine facilities ang dalawa na pansamantalang inilihim ang pagkakakilanlan at kapwa residente sa bayan ng Rosario at General Trias City, Cavite.
Samantala, inatasan din ang mga chief of police na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at opisyal ng barangay upang makontak ang anim pang iba na pansamantalang itinago ang mga pagkakakilanlan ay hindi nagbigay ng tamang address sa kinauukulan ahensya.
Pinasusumite rin ng daily contact tracing activities ang mga hepe ng pulisya simula noong Enero 17 ng umaga sa nasabing kampo na may kalakip ng larawan.
Patuloy na ginagalugad ng mga opisyal ang mga positibong lugar kung saan nakatira ang apat na naging close contact ng pasahero na positibo sa COVID-19 new variant mula sa UAE.
Nauna nang iniulat ng DOH na may nakapasok sa bansa na pasahero na nagmula sa UAE na sinasabing nagpositibo sa B117 SARS-CoV2 variant.
Ang nasabing pasahero ay residente sa Brgy. Kamuning, Quezon City kung saan kaagad itong dinala sa isolation facility at sa hindi inaasahan ay naka-close contact nito ang anim na taga-Cavite na hindi naman nagbigay ng tamang address. MHAR BASCO
Comments are closed.