CAVITE – UMAABOT sa 60 gramo ng shabu na may street value na P408-K ang nasamsam ng awtoridad makaraang masakote ang anim na drug dealer sa anti-drug operation sa bahagi ng Brgy. Pasong Camachille 1 at Brgy. San Francisco, General Trias City, kamakalawa.
Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Aaron Santos y Alijo, 32, ng Brgy. San Esteban, Dasmariñas City; Rein Aspuria y Aroma, 24, ng Brgy. Pasong Camachille 1, General Trias City; Junavyl Macalan y Corcelles, 34, Brgy. San Francisco, General Trias City; Jerimie Baylon y Sevilla; Armanjay Cordero y Tumulto, at si Eugene Domingo Capellan y Asuncion, 32, ng Camachille Subd. sa nabanggit na barangay.
Nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, isinailalim sa masusing surveillance ang mga suspek kaugnay sa pagpapakalat ng droga sa nasabing barangay.
Nakatanggap din ng impormasyon ang pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA4A) mula sa mga opisyal ng barangay na talamak na ang bentahan ng droga na pinangungunahan ng mga suspek.
Kaagad naman isinagawa ang anti-drug operation laban sa mga suspek na hindi na nakapalag nang posasan ng mga awtoridad kung saan nasamsam ang 60 gramo na shabu, plastic sachet na naglalaman ng marijuana, at marked money.
Isinailalim na sa chemical analysis sa Cavite Crime Laboratory Office ang mga nasamsam na droga habang nasa police custodial center ang mga suspek na nakatakdang kasuhan sa paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO
Comments are closed.