6 DRUG PEDDLERS TUMBA SA CAVITE-PNP

CAVITE – NAGWAKAS ang pagiging drug peddler ng anim na lalaki na sinasabing may mga kasong kriminal makaraang pumalag at makipagbarilan sa mga operatiba ng Cavite-PNP sa isinagawang magkahiwalay na drug bust operations sa Bacoor City, Imus City, General Trias City at sa bayan ng Rosario noong Linggo ng hapon at madaling araw.

Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia na pinamumunuan ni Cavite provincial police director P/ Col. Marlon R. Santos, unang isinagawa ang drug bust operation sa bahagi ng Brgy. Maliksi 3, Bacoor City bandang alas-5 ng hapon noong Linggo kung saan nakipag-deal ang suspect na si Mark Anthony Lagos na bentahan ng shabu ang poseur buyer na pulis subalit nakatunog ito at kumasa sa mga operatiba ng pulisya na siyang ikinamatay nito.

Narekober ang 30 gramo na shabu na may street value na P204,000 at isang cal.38 revolver na kargado ng mga bala.

Sumunod na drug bust operation sa Brgy. Malagasang 1-G, Imus City kung saan napatay din ang suspect na si Fritz Marion Florentino ng Hotelier Village, Brgy. Bucandala 5, Imus City.

Nasamsam naman ang 7 plastic sachets na shabu (6 gramo) na value na P40, 800, cal. 45 pistol, drug money at iba’t ibang IDs.

Isinagawa rin ang buy-bust operation sa Brgy. Tejeros Convention sa bayan ng Rosario kung saan pumalag at nakipagbarilan kaya napatay ang mga suspect na sina Avril Castro y Dizon na dating PUPC BJMP ng Brgy. Bagbag 1; Alyas CJ at isa pang bineberipika ang pagkakakilanlan na pawang miyembro ng Bautista Robbery Holdup at motornapping Gang.

Narekober sa mga suspect ang 3 cal. 38 revolver na kargado ng bala, 2 motorsiklo na walang plaka at ilang plastic sachets na shabu.

Sumunod na inilatag ang buy-bust operation sa Brgy. Santiago, General Trias City kung saan nabaril at napatay din ang drug peddler na si Manuel Cagas y Vanoss ng Phase 8, Parklane Homes matapos itong kumasa sa tropa ng Drug Enforcement Unit ng Cavite PNP.

Nasabat ang isang cal. 38 revolver na kargado ng mga bala, ilang plastic sachets na shabu, mark money at ilang drug paraphernalia. MHAR BASCO

Comments are closed.