6 DURUGISTA TIMBOG SA DRUG DEN

CAVITE – KALABOSO ang anim na durugista kabilang ang mag-utol at dalawang kawani ng telecommunication makaraang salakayin ng mga awtoridad ang isang drug den sa bahagi ng Carnation St. Brgy. San Nicolas 1, Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.

Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Alfred Calay Salsona, 54-anyos, pedicab driver; Aldrich Andrada Figura, 38-anyos, pedicab driver, ng #192 Figueroa Comp sa nabanggit na barangay; Ric Reyes Dayrit, 37-anyos ng #192 Cuneta Comp sa nasabing barangay.

Naaresto rin ang mag-utol na sina Roschelle Sarmiento Pagtakhan, 47-anyos at Joseph Lance Sarmiento Pagtakhan, 40-anyos, kawani ng telecommunication na kapwa nakatira sa Cuevas Compound.

Gayundin ang isa pang suspek na tauhan ng councilor at kawani rin ng telecommunication na si Carlos Abillar Ducot, 43-anyos ng Cuevas Compound sa nasabing barangay.

Sa inisyal na ulat na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nakatanggao ng impormasyon ang drug enforcement unit kaugnay sa isa drug den sa nasabing barangay kaya’t agad itong isinailalim sa surveillance na ang pangunahing target ng anti-illegal drug operation ay si Salsona na gumagamit ng alyas Ice Cream.

Nang magpositibo ang surveillance ay nakipag-ugna­yan ang Bacoor PNP sa Cavite DEU at operatiba ng PDEA IV-A kung saan sinalakay ang target na drug den.

Nabatid na ilan sa mga suspek na sinasabing nakabatak kaya hindi na nakapalag ang mga ito kung saan nasamsam ang 12 gramo na shabu na may street value na P82, 800.00; isang cellphone, drug paraphernalias at mark money na ginamit sa drug operation.

Isinailalim na sa drug test ang mga suspek habang pina-chemical analysis naman ang 12 gramo na shabu na gagami­ting ebidensiya sa kasong paglabag sa RA 9165 o Ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. MHAR BASCO