6 FLYING VOTERS SWAK SA SELDA

PASAY CITY – ANIM na umano’y flying voters kabilang ang isang babae ang binitbit ng mga poll ­watchers at ng mga awtoridad ng Commission on Election (COMELEC) sa matapos bumoto na gumamit ng lugar na hindi naman taga lungsod.

Bandang alas- 11:30 ng umaga nang arestuhin ang anim na nakilalang sina Alvin Verangel, Marvin Encabo, Annie Paganpang, Mark Angelo Sevilla, Christian Reyes at Jonvick Abendanio, pawang mga nasa hustong gulang at nani­nirahan sa Pacita Complex, Laguna.

Ayon kay Dolores Chan, isa sa mga poll watcher sa Rivera Village Elementary School, Pildera Dos sa nasabing lungsod, na kilala nila ang mga botante sa kanilang lugar sa Barangay 194 Zone 20 ng nasabing lugar.

At nang kanilang sitahin ang anim ay pawang mga nataranta ang mga ito na hindi sila nakatira sa nasabing barangay at ang ginamit pa nilang address ay sa no. 197 Road 7 Pildera 2 Pasay City.

Agad naman hu­mingi ng tulong si Chan sa mga awtoridad upang arestuhin at dinala sa Comelec sa Pasay kung saan ang mga ito ay nagpakita ng kanilang identification card (ID) na nakalagay dito na Manila International Airport at Pasay City East High School.

Pagdating sa Comelec ng Pasay, inamin ng mga ito na kamakalawa ng gabi (Mayo13) ay ibinigay sa kanila ang mga ID para gamitin sa kanilang pagboto sa Barangay at SK election.

Binanggit pa ng anim na inutos sa kanila na iboto umano ng mga ito si Lydia Abrera, tumatakbong Barangay Chairman  ng Barangay 194 zone ng nasabing lungsod.

Hindi naman binanggit ng anim kung sino ang nag-utos sa kanila para mag-flying voters ang mga ito sa nasabing lugar at hindi rin binanggit kung magkano ang ibinayad sa kanila.

Sa ngayon, ang anim ay nasa Comelec ng Pasay City at sasampahan ng kasong paglabag sa omnibus election code.    MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.