6-GAME WINNING STREAK IPININTA NG E-PAINTERS

Demetrius Treadwell

INIWAN ni Rain or Shine import Demetrius Treadwell ang depensa ni Patrick Maagdenberg ng Converge sa kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS

NAIS ng Rain or Shine na lumakas pa papasok sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals, kung saan selyado na nito ang  No. 7 ranking.

At pinagbigyan naman sila ng Converge.

Naungusan ng Elasto Painters ang FiberXers, 112-111, sa kanilang huling laro sa elimination round nitong Linggo sa  PhilSports Arena.

Gayunman, kinailangan ng Rain or Shine na malusutan ang matikas na pakikihamok ng Converge na nagbanta sa 111-112, may 5.2 segundo pa sa orasan, upang makumpleto ang six-game winning streak.

May tsansa pa ang FiberXers na makuha ang panalo nang maagaw ni  John Louisee delos Santos ang inbounds pass ni Gabe Norwood.

Mabuti na lamang at naging matatag ang depensa ng  E-Painters sa huli upang mapigilan ang kalaban na makatira habang paubos ang oras.

Makakasagupa ng Rain or Shine sa susunod na round ang twice-to-beat No. 2 seed.

“Mabuti na rin itong game na ganito. Parang ganito rin mararamdaman o ma-e-experience mo sa playoffs. You need to know how to win in the endgame, how to close out games,” sabi ni winning coach Yeng Guiao.

“You need to feel the pressure,” dagdag ni Guiao. “Kaya kanina ginusto ko talaga magamit lahat para lahat sila may feel ng game pagdating ng quarterfinals, para pag bunutin mo nakahanda.”

Muling nanguna si Demetrius Treadwell para sa Rain or Shine na may 21 points,  17 rebounds at 8 assists habang nag-ambag si veteran Beau Belga ng 19 points.

Dalawa lamang sa 16 players na ipinasok ni Guiao ang hindi nakaiskor kung saan nag-ambag si two-time MVP James Yap ng 9  points bilang starter.

Nanguna sinJamil Wilson para sa Converge na may 26 points, 13 rebounds at 9 dimes, habang nagdagdag sina  Justin Arana ng 19 points at Brian Santos ng 18 points. Tinapos ng koponan ang kanilang kampanya na may 1-10 kartada sa huling puwesto.

CLYDE MARIANO

Iskor:

Rain or Shine (112) – Treadwell 21, Belga 19, Datu 10, Yap 9, Demusis 8, Nocum 8, Nambatac 6, Norwood 6, Belo 5, Borboran 5, Santillan 5, Clarito 5, Mamuyac 4, Ildefonso 1, Caracut 0, Asistio 0.

Converge (111) – Wilson 26, Arana 19, Santos 18, Caralipio 16, Nieto 7, Fornilos 6, Delos Santos 6, Winston 4, Stockton 3, Melecio 3, Maagdenberg 2, Vigan-Fleming 1.

QS: 28-19, 55-48, 82-78, 112-111.