6 HULI SA POT SESSION SA LOOB NG RESTOBAR

pot session

MALABON CITY – ARESTADO ang anim katao kabilang ang dalawang menor matapos maaktuhan ng mga pulis na sumisinghot ng marijuana sa loob ng isang restobar sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao ang mga suspek na si alyas  Arvi, 21-anyos,  alyas Christian 21,  alyas Apol, 21-anyos, pawang  residente sa Navotas City at tatlo pang binatilyo na nasa edad 16 hanggang 17.

Nabatid kay Col. Tamayao, alas-2:45 ng madaling araw nang magsagawa ang mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP-7) ng Oplan Galugad/Bakal nang i-report sa kanila ng isang security guard ang nagaganap umanong pot session sa loob ng Maria’s Backyard Restobar sa Brgy. Baritan.

Kaagad pinuntahan ng mga pulis ang naturang lugar kung saan naaktuhan ang mga suspek na humihithit ng marijuana na naging dahilan upang ­arestuhin ang mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana fruiting tops, improvised pipe/glass tube na naglalaman ng dahon ng marijuana at isang disposable lighter.

Hindi na rin nakapalag pa ang mga inaresto. EVELYN GARCIA

Comments are closed.