6 JAIL GUARDS NG IWAHIG PRISON NAGSAMPA NG KASO VS BANTAG

PALAWAN- PORMAL nang naghain nitong Biyernes ng criminal complaint ang anim na jail guard ng Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa lalawigang ito laban sa suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag na umano’y nambugbog sa kanila sa loob ng opisina nito noong 2020.

Ang reklamo ay isinampa sa Department of Justice (DOJ) ng mga tanod ng IPPF na sina Lazaro Rafols Jr., Jer Sahid B. Mojado, Eddie Jimenez Jr., Richie C. Canja, Roy B. Gacasa, at Asher B. Labrador.

Inakusahan si Bantag ng paninirang-puri o oral defamation sa ilalim ng Article 358 ng Revised Penal Code (RPC), grave threats sa ilalim ng Article. 282 ng Revised Penal Code (RPC), grave coercion sa ilalim ng Article 286 ng RPC, torture sa ilalim ng Republic Act No. 9745, at obstruction of justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829.

Bukod kay Bantag, pinangalanang din ng respondents sa reklamo sina dating BuCor Deputy Director General Gabriel P. Chaclag, BuCor Deputy Security Officer Ricardo S. Zulueta at mga tauhan ng BuCor na sina Jayferson G. Bon-as, Victor Erick L. Pascua, Bayani D. Allaga , Rose Marie, Casion, Joel M. Arnold, Kanoy B. Lattot, Ave B. Akilit, Edgar F. Angeles Jr., at Michale A. Marzan.

Iginiit ng mga nagrereklamo na ang mga krimeng ginawa ni Bantag at ng iba pang mga respondent ay nangyari bandang ala-1 ng hapon noong Marso 2, 2020 sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.

Anila, ang insidente ay resulta ng engkwentro nila sa pagitan ng grupong tinawag na “Bon-as” sa IPPF na jail guard ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nakatalaga sa BuCor.

Mayroon na ngayong tatlong magkakahiwalay na reklamong kriminal at administratibong kasong isinampa laban kay Bantag. BETH C