BATANGAS-NABISTO ang matagal ng modus na pagnanakaw ng anim na empleyado ng isang multi national company nang maaktuhan ng security guard ang tangkang pagpupuslit ng mga kagamitan sakay ng isang 10-wheeler truck habang papalabas ng gate sa Barangay San Felix, Sto. Tomas City sa lalawigang ito.
Sa report ni Batangas PNP provincial director Col. Glicerio Cansilao kay BGen. Antonio Yarra, Region 4-A police director , ang mga nasakote ay sina Francis Picardal, 34-anyos; Mark Anthony Tumbado, 27-anyos; Rodel Ramones, 36-anyos; isang alias Jericho, isang Jay Hann at isang hindi pa natukoy ang pangalan na pawang mga residente ng Poblacion 1, Sto. Tomas City.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng mga pulis, dakong alas-3.30 ng madaling araw nang parahin ni Eric Malto, security guard ng kumpanya ang dump truck na minamaneho ni Ramones para inspeksiyunin ang karga ng truck.
At dito tumambad ang lima pang suspek na nagtatago sa ilalim ng tolda kasama ng mahigit sa 50 reinforced steel bar na pagmamay-ari ng Batangas Paper Mill na matatagpuan sa Barangay San Felix ng bayang ito.
Ayon sa tagapagsalita ng kompanya, maaari umanong matagal ng ginagawa ng grupo ang pagnanakaw at may posibilidad na may kasabwat ang mga ito sa loob ng kompanya.
Pansamantalang nakakulong sa Batangas PNP jail ang anim habang inihahanda ang kaukulang kaso sa mga ito. ARMAN CAMBE