6-KM DANGER ZONE NG MT. MAYON PERMANENTE NA

POSIBLENG ma-relocate na nang tuluyan ang mga residenteng nakatira sa sakop ng 6 kilometer radius zone sa Bulkang Mayon.

Ipinanukala ng Regional Development Council at Provincial Government ng Albay na ideklara ang naturang area bilang “permanent danger zone.”

Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office Chief Dr. Cedric Daep, umaabot sa 2,000 ang bilang ng mga naninirahan sa loob ng naturang zone.

Nadagdagan pa umano ito dahil sa pagbalik ng mga datihang residente roon.

Siniguro naman ng opisyal na may inihanda na silang paglilipatan sa mga na-displace na residente.

Magiging sarili umano ng nasabing mga residente ang kanilang lilipatan dahil gobyernong lokal ang nagmamay-ari nito.

Ipatatanggal naman ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council ang tubig at kor­yente sa danger zone upang hindi na ito balikan ng mga dating residente.

Ipasisira rin ang mga kongkretong kalsada rito.

Matatandaang imi­nungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na permanente nang ilipat ng tahanan ang mga residente sa nasabing lugar dahil lubhang magastos ang pag­lilikas sa kanila tuwing nag-aalboroto ang Bulkang Mayon.  NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.