MATAGUMPAY na nasagip ng mga awtoridad ang apat na menor de edad sa tangkang human trafficking para magtrabaho sa Maynila bilang mga waitress at helper.
Ang mga biktima ay kinabibilangan ng isang 14-anyos, dalawang 16-anyos at isang 17-anyos na nasagip habang pasakay ng eroplano patungong Manila mula sa Davao International Airport.
Inaresto naman ang dalawang recruiter nito na kasama ng mga menor de edad.
“Gagawin silang waitress sa isang club. Yung ibang gagawing kasambahay at pinangakuan ng sweldo. Kung meron [man] consent ang mga magulang, even then di pa rin allowed ‘yun,” sinabi ni PNP Aviation Security Group (Avsegroup) Director Police Brigadier General Christopher Abrahano.
Sa kabila nito, nakapagtala ng pagbaba sa human trafficking sa mga menor de edad kumpara sa nagdaang taon.
“It lessened naman kasi yung exposure din, tapos na e-educate yung mga kababayan natin, lalo na yung mga nabibiktima,” ani Abrahano.
Itinurn-over na sa Department of Social Welfare and Development ang mga menor de edad.
Inihahanda naman ang kasong isasampa laban sa dalawang suspek. EVELYN GARCIA