6 MILYONG PINOY INIAHON NG ‘DUTERTENOMICS’ SA KAHIRAPAN

Albay-Rep-Joey-Salceda

INIAHON  sa kahirapan ang anim na milyong maralitang Filipino ng ‘Dutertenomics,’  ang pang-ekonomiyang balangkas ng adminitrasyong Duterte, kasama ang pang-impraestrukturang programang ‘Build, Build, Build’ na pinopondohan ng batas na ‘Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).’

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, “maituturing na pinakamahalagang balita sa unang tatlong taon ng administrasyong Duterte ang pag-ahon mula sa pagdarahop ng napakaraming maralitang Filipino.”

“Bumaba ang bilang ng mahihirap ng anim na milyon sa 17.6 milyon noong 2018 mula sa 23.5 milyon noong 2015,” puna ni Salceda, isang kilalang ekonomista na siya rin ang nagbigay ng bansag na ‘Dutertenomics’ sa pang-ekonomiyang ‘masterplan’ na inihain niya sa Pangulo sa unang taon ng kanyang administrasyon.

Batay sa mga datus ng gobyerno, sinabi ni Salceda na “bumaba ng 6.7% ang bilang ng mahihirap na Pinoy sa 16.6% noong 2018 mula sa 23.3% noong 2015.” Kung bilang ng mahihirap na pamilya ang pag-uusapan, bumaba ito ng 5.8% sa tatlong mil­yon mula sa 4.1 milyong pamilya, o 1.1 milyong pamilya ang nakaahon.

“Isa ito sa pinakamalaking pagbaba ng kahirapan mula noong 1986, at higit itong kahanga-hanga kaysa inaasahan dahil tumaas ng 6.7% ang ‘inflation’ noong 2018. Pinabubulaanan din nito ang pintas na ang TRAIN law na ipinatupad mula noong Enero 1, 2018 ay ‘regressive’ at lalong magpapalala sa kahirapan,” dagdag ni Salceda na siyang panunahing bumalangkas ng TRAIN.

Ang TRAIN law ang pangunahing nagpopondo sa programang ‘Build, Build, Build’ ng pamahalaan. Isa sa pinakatampok na pakinabang na dulot nito ay ang “binabaang ‘personal income tax’ (PIT) na nagpataas naman sa naiuuwing kita ng 99% ng 7.5 milyong nagbabayad ng PIT. Ang 2.23% taunang pagbababa ng kahirapan, puna ni Salceda, ay nagpapahiwatig na maaaring matamo ang target na mapababa sa 14% ang kahirapan sa bansa sa 2022.

“Patunay ito na mabisa ang Dutertenomics. Napataas na sa 5.2% ang mga impraestrukturang nayari mula sa 2.8% noong bago panahon ni Duterte, at inanaasahang susulong ito sa 7% sa 2022. Lumikha na ng 2.0 milyong trabaho ang ‘Build, Build, Build.’ Napalago ng TRAIN ang GDP ng 14.7% sa unang ‘quarter’ nitongf 2019, at lalong lumalaki at lumalawak ang pamumuhunan sa kalusugan at iba’t ibang aspeto ng edukasyon para sa makabuluhang pagsulong ang bansa,” dagdag niyang paliwanag.

Comments are closed.