6 MIYEMBRO NG PAMILYA PATAY SA SUNOG

ANIM na sunog na bangkay kabilang ang 2 menor de edad at isang paslit ang natagpuan matapos matupok ng apoy ang kanilang tahanan kahapon ng madaling araw sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Kinilala ang mga nasawi na sina Estelito Buenaflor,79-anyos; Allan Domingo; Janele Anne Mereria, 30-anyos; Obie George Domingo, 12- anyos; Toto Domingo, 7-anyos at Noy Domingo, 2-anyos.

Ayon kay SFO4 Rolando Valenia, imbestigador ng Quezon City Bureau of Fire Protection na sumiklab ang sunog dakong ala-1:54 ng madaling araw sa bahay ng mga biktima sa Block 2 Lot 4 B Cortier St. Villa Corina Subd, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City at naapula ito dakong alas-3:20 ng madaling araw ng Sabado.

Ang mga biktima ay natagpuan sa magkakahiwalay na lugar ng bahay kung saan dalawa sa mga biktima ay natagpuan sa pangalawang palapag ng bahay, dalawa rin sa ground floor habang ang ina at anak na 2-anyos ay natagpuan sa hagdanan na batay sa puwesto ng mga biktima.

Aniya, may posibilidad na sinubukan pang makalabas ng mga biktima mula sa nasusunog na bahay pero na-suffocate ang mga ito at nabagsakan ng debris.

Ayon naman sa pahayag ng mga kapitbahay ng mga biktima, sinubukan nilang tulungan ang mag-anak subalit hindi sila nakapasok sa bahay ng mga ito sa dahilang nakakandado ang pintuan sa loob.

Tinatayang umaabot sa halagang P1.5 milyon ang damage sa nasabing sunog, samantalang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP. MARIA THERESA BRIONES/ EVELYN GARCIA