KATULAD ng milyon-milyong kababayang pikang-pika na sa trapik, eto ka’t nais umangat sa itinayong home business.
Pero teka muna, anong klaseng home business ba ‘yan? Ang alam ko kasi, maraming home business ang nakaangkla na sa Internet. Mula sa pagiging VA (Vir-tual Assistant) hanggang sa nagbebenta ng kung ano-ano sa Internet o social media. Kung ‘yan ang homer business mo, eto ang mga tip ko sa inyo:
#1 Mabilis at Maaasahang Internet
‘Di lang basta nakakabit ka sa isang maayos na serbisyo, dapat mabilis at maaasahan ang Internet connection mo. Dahil ngayon, mas marami kang magagawa kung mabilis ito. Ang payo ko ay kumuha ng fiber-based connection. Bukod dito sa nakalinya ka nang Fiber Optics, kumuha ka ng data plan bilang backup. Puwede din namang may maayos kang pre-paid data. Basta ‘wag na iisa lang ang koneksiyon mo. Mas mainam kung may alam kang malapit na Internet shop kung sakaling bumigay pareho. At ‘wag kang kukuha ng iisang telco lang, ha?
#2 Gumawa ka ng maayos na schedule
Hindi dahil nasa bahay ka lang, kabisado mo na ang oras ng pagtatrabaho mo. Mahirap din kayang magtrabaho sa bahay kasi maraming sagabal sa oras mo. Kaya ang dapat gawin ay sadyaing isulat ang schedules mo. Gaya ng pagbukas ng kompyuter mo, pagtayo, pagtimpla ng kape, pagkain at iba pa. Isama mo na rin ang pag-ehersiyo para ‘di naman sayang ang oras mo.
#3 Ayusin ang problema sa miting at networking
Malaking problema ‘yung nasanay ka na, na mas tahimik ang kapaligiran mo sa bahay at wala ka halos kausap. Dahil kailangan mo rin namang makipagmiting at mag-network sa labas, ‘di ba? Una, sumali sa mga katulad mong home-based ang negosyo at kung may event na magkikita-kita, pumunta ka. Mag-schedule ka rin ng ilang meeting sa isang buwan para maging aktibo ka at visible ka sa kliyente at ibang tao. Makipaghalubilo ka. ‘Yan ang isa sa sikreto ng tagumpay sa negosyo. No man is an island, ‘di ba?
#4 Alamin ang mga paraan para mas makatipid pa
Alam mo namang dapat na mas matipid na ang pagnenegosyo mo dahil nga home-based ka na. Kaso, marami ka pa ring dapat pagtipiran. Tingnan mo kung kaya mo namang walang aircon paminsan-minsan, o LED na ang ilaw na gagamitin mo. Ako nga, pinalitan ko ang PC screen ko ng LCD matagal na at nakita kong mas matipid pala ito. Ngayon, uso na ang LCD screen sa PC. Ngayon naman, inverter na ang mga aircon sa bahay at refrigerator.
#5 Pagbabayad at iba pa
Nadiskubre ko na mas mainam ang pagbabayad online at iba pang kaakibat na transaksiyon. Ang Paypal ay naging kaibigan ko bilang paraan ng pagbabayad – papasok o palabas. Ang mga gaya ng GCash at Paymaya ay ilan rin sa mga maayos na sistemang komersiyo ng pagbabayad o transaksiyon,
#6 Partnerships
Ang pagkakaroon ng maayos na network ay may kasanggang collaboration sa iba’t ibang institution, kompanya o tao. Ang ma-halaga ay ang pagkakaroon ng malawak na koneksiyon na siyang katuwang sa negosyo. Sa dulo kasi, mas malaki ang sirkulo ng mga partner mo, mas magiging matatag ang home business sa kahit na anong krisis.
Ilan lang ‘yan sa mga simpleng paraan upang magtagumpay sa negosyo mo sa bahay. Maging masinop at matiyaga. Darating din ang araw ng tagumpay.
Comments are closed.