6 NA GAWAING MARKETING PARA MAPALAGO ANG STARTUP

homer nievera

MADALI sanang palaguin ang startup na negosyo mo kung ang tanging pinagbabatayan ng mga kostumer ay galing at kalidad ng produkto o serbisyo. Pero sa totoong digmaan ng pagnenegosyo, marketing ang pinaglalabanan. Tandaan na 90% ng mga startup na negosyo ay nalulugi. Kaya narito ang anim na dapat gawin sa larangan ng marketing para sa startup mo:

#1 Alamin ang Marketing Budget Mo

Hindi puwedeng hinuhulaan lamang ang nararapat na budget mo sa marketing. Sa katunayan, dapat alam mo ang kinikita mo para makapag-allocate ka ng porsiyento para sa marketing. Madalas, kung nag-uumpisa ka, mga 20% ng net profit ang ginugugol sa marketing. Investment ang marketing kaya maging masinop sa pera.

#2 Kilalaning Maigi ang Target na Kostumer Mo

Paano ba mabebenta ang isang produkto o serbisyo kung ‘di naman ito ilalako sa tamang tao? Ganyan ang dapat mong itanong sa sarili mo sa larangan ng pagnenegosyo at marketing. Magsaliksik nang mabuti. Sa simula, alamin ang mga bagay-bagay na gusto at kailangan ng merkadong nais mong makuha. Hanggang sa makuha ang bawat kiliti nila at gawing mga loyal na kostumer.

#3 Magkaroon ng Mas Personal na Relasyon sa Kostumer

Kung madalas mong kaharap ang kostumer mo, mas mainam. Mas mahirap kasing magkaroon ng mainit at personal na ugnayan sa mga online na kostumer. Piliin ang mga sasabihin o mensahe at panatilihin ang mataas na kalidad ng serbisyo. Batiin sila sa mga mahahalagang okasyon ng kanilang buhay at magbigay ng tamang diskuwento kung kaya. ‘Yan ang simula ng pag-aalaga sa kostumer na tatagal.

#4 Magkaroon ng Tuloy-tuloy at Consistent na Pagpapakilala sa Brand Mo

Maaaring maganda ang pagkakakilala sa brand mo sa una. Pero mauungusan ka ng kalaban kung mas nakikita at nakikilala sila sa’yo. Ganyan kasimple ang prinsipiyo na ito. ‘Wag magpabago-bago ng imahe. Dapat, kung saan ka nakilala, tuloy mo lang.

#5 Mag-invest sa Content Marketing

Sa kompanya kong Mediablast Digital, ang pangunahing serbisyo namin ay ang content marketing kung saan sa pamamagitan ng iba’t ibang digital content (kasama ang social media, blogs, video at iba pa), ay pinararating namin ang mensahe ng mga brand. ‘Yan ang dapat mo ring pagtuunan ng pansin. Kasi ngayon, sa Internet na naghahanap ng produkto at serbisyo ang mga tao. Pati reviews kasi, mahalaga sa merkado kaya content marketing ang kailangan.

#6 Gumamit ng mga Influencer

‘Di na masyadong uso ang paggamit ng mamahaling celebrity endorser sa panahon ng social media. Sa halip, mga kilalang personalidad sa YouTube, Facebook at Instagram ang mas ginagamit sa pagtulak ng mga brand. Kung nag-uumpisa ka pa lang, saliksikin ang mga influencer sa social media na may 10,000 hanggang sa 15,000 kada buwan. Malaking bagay ‘yan sa marketing ng startup mo dahil bukod sa mura, mabilis pang lumaki ang mga follower nila.

Malaking bahagi ng pagnenegosyo ang marketing. ‘Wag maging kuripot sa larangang ito. Tingnan mo ito bilang investment at bantayan mo ang ROI para rito.



Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

Comments are closed.