MISAMIS OCCIDENTAL – ANIM na kaso ang kahaharapin ni Ozamis City Councilor Ricardo Ardot Parojinog pagdating nito sa bansa mula sa Taiwan.
Ito ang sinabi ni Ozamis City Police Chief Insp. Jovie Espenido.
Aniya, dalawa sa kaso ni Ardot ay murder o pagpatay na isinampa ng mga pribadong indibidwal habang ang apat na kaso ay isinampa ng PNP ito ay mga kasong illegal possesion of firearms at paglabag sa section 3 ng comprehesive dangerous drug act.
Nais naman ni Espenido na mapunta sa kanilang kustodiya si Ardot upang maisailalim ito sa interogasyon lalo’t sila ang may hawak sa mga kaso ng City Councilor.
Ngunit kung mapupunta naman aniya sa kustodiya ng Camp Crame ay wala namang problema dahil pulis pa rin ang gagawa ng interogasyon.
Sakali namang maibalik sa Ozamis City si Ardot sinabi ni Espenido na walang dapat na ipangamba sa seguridad nito dahil balwarte aniya ng mga Parojinog ang Ozamis City.
Hirit pa ni Espenido, silang mga pulis nga ang dapat na mag-ingat.
Inaasahang ngayong araw ay nasa bansa na si Ardot matapos sunduin sa Taiwan nang ito ay maaresto roon sa kasong illegal entry.
Samantala, tinutugis pa ang isang Artemio Salas dating security personnel ng nasawing si Ozamis City Mayor Reynaldo Parojinog at asawa nitong alyas Daisy Parojinog Salas na kapatid ni Mayor Parojinog.
Sinasabing kabilang ang mag-asawa sa grupo ni Mayor Parojinog na umanoy sangkot sa transaksyon ng ilegal na droga. R. MAMOGAY
Comments are closed.