ANG pagsisimula sa startup ay kailangang desisyunan sa una pa lamang. Kung maaari, magsimula sa pagpaplano pa lamang. Sa katunayan, ang pag-bootstrap sa simula pa lamang ng pagtayo ng startup ang master ko na. Sobrang tipid ko kasi at ‘di ako humihingi ng badyet mula sa ibang imbestor hanggang masiguro ko na ang tatahaking landas ng aking mga startup.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang bootstrap o bootstrapping?
Ang salitang ito ay hango sa uri ng sapatos na ‘boots’. Ang pag-bootstrap o ang pag-strap (paghigpit sa sinturon ng boots) ay katulad ng paghihigpit natin ng sinturon kapag nagtitipid tayo. Ganoon lang din ‘yung ibig sabihin noon.
Kaya sa paghigpit-sinturon ng iyong startup, narito ang ilang tips para magawa ito nang maayos:
#1 Ayusin ang Business Plan sa umpisa pa lamang ayon sa Cashflow na mayroon ka
Lalo pa’t ‘di ka pa sigurado sa direksiyon ng negosyong tatahakin, mas maigi na ‘yung ayusin ang business plan mo mula sa paggawa ng istratehiya sa pagbuo ng kostumer at pag-market sa mga ito. Buuin din ang plano sa paggawa ng produkto at pagsaayos ng gagamiting salapi. Dahil makitid ang tinaguriang runway mo, planuhing mabuti ang gastusin.
#2 Badyet! Badyet! Badyet!
Sa mga nagtitipid, hari ang cash. Kaya dapat masinop ka sa pagbadyet at sa paggastos. Kung maaari ngang ‘wag gumastos, mas maigi. Kaso, alam mo namang malabong walang gastos, ‘di ba? Ang sa akin, mas mahalagang maging tuso sa mga deal mo. Kung puwedeng mag-barter ng serbisyo kaysa magbayad ng cash, mas ok.
#3 Maging masinop sa imbentaryo
Magsaliksik nang maigi ng patungkol sa imbentaryo mo. Madalas, ‘yang bagay na ‘yan ang kumikitil sa cash flow ng isang startup. Kung mababa naman ang presyo ng mga ito, maglaan ng pondo para rito.
#4 I-master ang stress
Sa kahit na anong negosyo, startup man o hindi, laging kakambal nito ang stress. Ang mahalaga, ay kayanin ito at maging master nito. Lalo na kung ang pag-bootstrap ang pinili mong paraan ng pagsimula ng negosyo, alam mo na mas maraming pagdadaanang pagsubok.
Kaya naman dapat matuto kang alamin ang prayoridad. ‘Di ito madali sa una, ngunit kakayanin mo rin. Maging bukas ka rin sa iba’t ibang oportunidad, ngunit maging masinop sa pagpili. Lalong huwag mong kukunin ang lahat ng oportunidad. Mas nakaka-stress ang paraang ito na isang pagmamadali ng tagumpay.
#5 Alagaan ang mga kostumer at tauhan mo
Sa nakaraang pitak, naisulat ko na ayon sa bilyonaryong negosyante na si Richard Branson, mahalaga ang pagpapanatili ng maayos, ligtas at nakapagbibigay inspirasyon na pinagtatrabahuhan. Mahalagang maging masaya ang mga tauhan dahil mas mahirap kumuha ng kapalit na ‘di mo na tuturuang muli.
Sa lagay ng kostumer, ang pag-aalaga rito ay pinakamahalaga. Mas mahal ng sampung beses ang pagpapabalik dito kaysa sa pagpapanatiling masaya rito.
#6 Pausbungin ang inspirasyon at pagiging malikhain sa startup mo
Ang kulturang umuusbong galing sa malikhain at inspiradong mga tauhan sa kompanya ay malaki ang epekto sa tagumpay nito. Ito ang dapat mong ipanatili.
Simulan mo sa pag-recruit ng mga bisyonaryo. Ito ang mga taong may pangitain sa hinaharap ng startup mo at sa industriyang iyong ginagalawan. Ito ang mga taong postibo, inspirado at matindi ang pagkahilig sa negosyo o produkto mo.
Pangunahan ang motibasyon at inspirasyon sa startup mo. Ikaw mismo ang titingala sa mga tauhan mo.
Tandaan na sa lahat ng bagay, ang Diyos ang iyong gabay.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag-email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito sa [email protected].
Comments are closed.