6 NALAMBAT SA BUY BUST

NASAKOTE ang anim na drug personalities, kabilang ang mag-utol na leader ng “Pontillas Criminal Gang” matapos makuhanan ng baril at halos P.5 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa makahiwalay na lugar sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, sina Jose Cesar Formosa, 46-anyos ng Nuestra Señora Subdivision Brgy. Panghulo; Agnes Yamamoto, 40-anyos ng Brgy. 22, Caloocan City at Roy Marquez, 43-anyos ng Brgy. Tugatog ay naaresto dakong alas-2 ng Lunes ng madaling araw sa P. Concepcion St. Brgy. Tugatog.

Ang mga suspek ay nadamba ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Alexander Dela Cruz matapos bentahan ng P10,000 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer.

Tinatayang nasa 34 gramo ng hinihinalang shabu shabu na may standard drug price P231,200.00 ang nakuha sa mga suspek kasama ang buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at 9 pirsong P1,000 boodle money.

Samantala, bandang alas-7:30 naman ng Linggo ng gabi nang unang matimbog ng pinagsamang mga operaitba ng SDEU at Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni Lt. Zoilo Arquillo ang magkapatid na leader ng Pontillas Criminal Gang na sina Emiliano Pontillas, 44-anyos at Meliton Pontillas, 42-anyos kasama si Roda Pelo, 38-anyos, pawang ng Brgy. Potrero sa drug buy bust operation at sa kanto ng Gov. Pascual Avenue at Marcelo St., Brgy. Potrero.

Ani Barot, nasamsam sa mga suspek ang 34 gramo ng shabu na nasa P231,000.00 ang halaga, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at apat pirasong boodle money at caliber .38 revolver na kargado ng anim na bala.

Kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang isinampa sa mga suspek habang dagdag na paglabag pa sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban kay Emiliano Pontillas. EVELYN GARCIA