6 NALAMBAT SA BUY BUST

NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang anim na lalaki matapos na kumagat sa buy-bust operation kahapon ng madaling araw sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director Brig Gen Remus Medina ang mga nadakip na sina Jomael Abdullah, alyas “muklo”, 40-anyos, residente ng 138 Certeza Compound Brgy. Culiat Q.C.; Carlos Tuliao, 56-anyos ng 141 Certeza Compound, Brgy. Culiat, Q.C. ;Hervin Jainga, 49-anyos ng Certeza Compound, Brgy. Culiat, Q.C. ; Mario Guballo, 49-anyos ng 222 Certeza Compound, Brgy. Culiat, Q.C.; Randy Balisado, 36-anyos ng 148 5th St. Brgy Pasong Tamo, Q.C. at Bolkhia Macaundas, 24-anyos, nakatira sa AFP Road Brgy. Holy Spirit, Q.C.

Sa ulat ni Holy Spirit Police Station 14 commander Lt.Col. Jeffrey Bilaro, pasado ala-1 ng madaling araw nang isagawa ang drug operation sa Certeza Compound, Brgy Culiat, Q.C.

Kumagat sa poseur buyer na pulis ang mga suspek kung saan matapos nila itong pagbilhan ng shabu ay agad silang dinakma.

Nakuha mula sa mga suspek ang 13 plastic sachets na naglalaman ng 15 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000, kalibre.38 na may limang bala gayundin ang buy-bust money.

Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at RA10591 o ang Omnibus Election Code. MARIA THERESA BRIONES