6 NARCO TRADERS TIMBOG SA P81.6-K SHABU

CAVITE – KALABOSO ang binagsakan ng anim na narco traders makaraang masakote ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng pulisya at PDEA sa magkasunod na buy-bust operations sa bahagi ng Brgy. Pulido sa bayan ng General Mariano Alvarez kamakalawa ng gabi sa lalawigang ito.

Kasalukuyang nasa police detention facility ang mga suspek na sina Salvacion “Vangie” Pacaanas y Magdaong, 48-anyos, manicurist, ng # 661 Block 8 Pulido Extension, Brgy. Pulido, GMA, Cavite; Aileen “Bunek” Joy Pacaanas y Magdaong, 25-anyos; Shella Jane Bianes y Porgatorio;. Elizardo Cardinosa y Binarao, 36-anyos; Mark “Macmac” Anthony Garcia y Mercado, 35-anyos; at alyas John, 17-anyos, kapwa nakatira sa Block 32 Brgy. Pulido, GMA, Cavite.

Base sa police report ng Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, unang isinagawa ang anti-illegal drug operation laban sa suspek na si Vangie at tatlo nitong kasama sa drug trade sa nasabing barangay kung saan nasamsam ang 6.5 gramo ng shabu na may street value na P44,200.00 at marked money na ginamit sa buy-bust operation.

Samantala, sa ikalawang anti-drug operation ng mga operatiba ng pulisya at PDEA laban kina Mark Anthony at Alyas John ay nakumpiska naman ang 5 gramo ng shabu na may street value na P37, 400.000 at marked money.

Isinailalim na sa drug test ang mga suspek habang pina-chemical analysis sa Cavite Provincial Crime Laboratory at Regional PDEA Laboratory ang 10.5 gramo na shabu na gagamiting ebidensiya sa pagsasampa ng kasong paglabag RA 9165 laban sa mga ito. MHAR BASCO