IPINANUKALA sa Kamara ang paglalaan ng bahagi ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa mga ahensiya na may kaugnayan sa edukasyon.
Sa House Bill 1783 na inihain ng Makabayan Bloc, ipinalalaan ang 6% ng GDP sa Department of Education (DepEd), state universities and colleges (SUCs), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, kung magiging ganap na batas ang panukala ay binibigyan ng ‘highest budgetary priority’ ang sektor ng edukasyon.
Aniya, sa mahabang panahon, ang public expenditure sa edukasyon mula sa porsiyento ng GDP ay mas mababa pa kumpara sa itinatakdang limit ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na hindi bababa sa 6% ng GDP.
Punto pa ng kongresista, kung talagang nais ng pamahalaan na matugunan ang krisis sa edukasyon at maitaas ang kalidad ng edukasyon, dapat lamang na tiyakin na may sapat na pondo para rito.