6 NPA, 1 SUNDALO PATAY SA SAGUPAAN

BATANGAS- KINONDENA ni Defense Secretary Gilberto Gibo Teodoro ang naganap na sagupaan sa pagitan ng government forces at communist New Peoples Army na ikinamatay ng isang sundalo at ikinasugat ng tatlong iba pa ilang araw bago magpasko sa lalawigang ito.

Sa ulat ni Philippine Army 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division, anim na armadong kadre ng New Peoples Army ang napatay sa nangyaring sagupaan kamakalawa ng umaga sa Barangay Malay sa Balayan, Batangas.

Subalit, may isang sundalo rin ang nasawi nang nakasagupa ng pinagsanib na puwersa ng 59th Infantry “Protector” Battalion, Philippine Navy at Philippine Airforce ang isang grupo ng CPP-NPA na pinaniniwalaang kabilang sa SPP Kawing mula sa Southern Tagalog Regional Party Committee Sub-Regional Military Area 4C.

“Lubos na nakikiramay kami sa pamilya ng ating nasawi na bayaning kawal, na hindi ko pa puwedeng banggitin ang pangalan sa ngayon, sa isang engkwentro ng ating mga kasundaluhan mula sa 59th Infantry “Protector” Battalion ng Philippine Army, kasama ang Philippine Navy at Philippine Air Force laban sa mga armadong miyembro ng New People’s Army (NPA), pahayag ng kalihim.

AFP ay palaging nakabantay at hindi titigil sa pagsugpo ng lahat ng teroristang grupo na nagdudulot ng kapahamakan sa ating bansa, pagtiyak ng kalihim.

Tugon ni 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong kahit nalagasan siya ng isang tauhan sa nasabing sagupaan ay hindi sila titigil sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan ng sambayanang lalo na ngayong Yuletide Season.

Nanawagan din si Capulong sa mga nalalabing rebeldeng komunista na bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan at yakapin na ang inaalok na peace program ng pamahalaan para makasama na nila ang mga mahal sa buhay ngayon pasko.
VERLIN RUIZ