NEGROS OCCIDENTAL – NAPATAY sa joint operation ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang anim na kasapi ng Communist Party of the Philippine –New Peoples Army habang 24 naman ang nadakip nitong nakalipas na linggo sa lalawigan ng Negros Occidental.
Ayon kay AFP PIO Chief Col Noel Detoyato, isang joint law enforcement operation ang inilunsad nitong nakalipas na linggo at target nito ang may 103 personalidad sa Guihulngan City at bayan ng Mabinay, La Libertad at Sta. Catalina.
Sinasabing pakay ng mga warrant of arrest ang mga taong kumpirmadong sangkot sa illegal drug activities sa lugar.
Subalit natuklasan ng mga operatiba na 30 dito ay mga NPA regulars at miyembro ng Militiang Bayan na kumikilos sa Barangay Trinidad ng Guihulngan City.
Ayon kay Detoyato ang anim na napaslang ay pawang nanlaban at nakipagsagupa ng barilan sa mga awtoridad na nagging sanhi ng kanilang kamatayan.
Nagawa pang madala sa pagamutan ang mga sugatan subalit ideneklarang pawang patay na.
Nadiskubre ng militar ang mga ilegal na aktibidades ng mga communist terrorists at ipinakikita na nabubuhay ang komunistang kilusan dahil sa nakukuhang pondo mula sa illegal drug trade.
Lumilitaw rin ayon kay Detoyato na pino proteksiyunan ng CPP-NPA ang mga big-time drug lord na nag-o-operate sa Negros Oriental at mga kalapit na lugar.
Kinilala ang mga nasawi na sina Reneboy Fat, Demetrio Fat, Dondon Isugan, Constancio Languita, Jun Cubul at Jaime Revilla, pawang naninirahan sa nasabing lungsod.
Nasa 65 mga baril ang nakumpiska sa mga nasabing operation kabilang ang M203, M-16, M-4 rifles at mga grenade launcher at granada.
Kabilang sa mga naaresto si dating Guihulngan Mayor Cesar Macalua na nahulihan pa ng isang cal. 45 at isang 9 mm pistol, at maraming bala kasama sina Misael Dagat at Alfredo Javier, mga dating opisyal ng Barangay Poblacion. VERLIN RUIZ
Comments are closed.