6 ORAS NA PAGTUTURO DAPAT NGA BA?

ISANG linggo matapos ang pagbubukas ng klase sa karamihan ng mga paaralan sa bansa ay muling nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na ipatigil muna ang pagpapatupad ng class program sa ilalim ng MATATAG Curriculum at DepEd Order No. 5, s. 2024.

Sa halip, hinimok ng TDC si DepEd Sec. Sonny Angara na magsagawa muna ng konsultas­yon sa mga guro na direktang nakararanas ng epekto ng nasabing polisiya.

Daing ng mga guro, ayon kay  Benjo Basas, pambansang tagapangulo ng TDC, isang linggo pa lang ay pagod na sila, at ang iba ay unang araw pa lang ay gusto nang sumuko.

Ito’y dahil ang mga guro ay nagtuturo ng anim na oras o higit pa, may ilan ding kailangang humawak ng higit sa isang grade level at ang iba naman ay pinagtuturo ng mga asignaturang hindi nila major o pinagtuturo sa ilang mga programa ng DepEd.

Ang lahat ng ito ay upang makumpleto ang anim na oras ng aktuwal na pagtuturo, ayon sa DO No. 5, na siya namang gagamiting working hours policy upang ipatupad ang DO No. 10 o ang MATATAG Curriculum.

Layunin ng MATATAG na  ma-decongest ang curriculum at mabawasan ang mga asignaturang ituturo sa mga estud­yante subalit taliwas umano ito sa nangyari dahil hindi lamang humaba ang oras ng klase, kundi nagkaroon pa ng karagdagang mga sesyon tulad ng National Mathematics Program (NMP) at National Reading Program (NRP) na lalong nagpapahirap sa mga mag-aaral at maging sa mga guro.

Iginiit ng TDC na nalalagay sa alanganin ang kapakanan at karapatan ng mga guro sa polisiyang ito at maaaring makaapekto sa kalidad ng kanilang pagtuturo.

Makabubuting magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng DepEd at ng mga guro upang komprehensibong pag-usapan ang naturang mga isyu at maliwanagan ang magkabilang panig.